NITO lamang Pebrero 2, 2026, Lunes, muling umusad ang usapin ng impeachment sa bansa matapos ihain ang panibagong set ng impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte, habang kasabay namang ipinagpatuloy ng House Committee on Justice ang pagtalakay sa magkahiwalay na reklamong inihain laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon sa mga opisyal ng Kamara, ang magkahiwalay ngunit sabayang pag-usad ng mga kasong ito ay naganap matapos linawin ng mga kinauukulan na magkaiba ang mga prosesong sinusunod sa bawat reklamo, alinsunod sa itinatadhana ng 1987 Constitution.

Impeachment complaints laban kay VP Sara Duterte
Paghahain ng unang petisyon sa ikalawang set ng mga reklamo
Ayon sa mga complainant na miyembro ng Makabayan Coalition, pormal na inihain sa Office of the Secretary General ng House of Representatives ang unang petisyon sa ikalawang set ng impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte nitong umaga ng Pebrero 2, 2026.
Sa kanilang verified complaint, iginiit ng mga complainant na may sapat umanong batayan upang kasuhan ang bise presidente ng betrayal of public trust, batay sa mga isyung may kaugnayan sa paggamit ng confidential funds at sa umano’y paglabag sa tungkulin bilang isang mataas na opisyal ng pamahalaan.
Mga batayan ng impeachment
Ayon sa reklamo, tatlong pangunahing grounds ang isinampa laban kay Duterte:
1. Betrayal of public trust dahil sa gross abuse of discretionary powers kaugnay ng paggamit ng humigit-kumulang ₱612.5 milyon na confidential funds mula Disyembre 2022 hanggang ikatlong quarter ng 2023.
- Betrayal of public trust dahil sa gross disregard of transparency and accountability, partikular sa proseso ng liquidation ng confidential funds at sa pagsusumite ng mga dokumento sa Commission on Audit.
-
Betrayal of public trust dahil sa dereliction of official duty, bunsod ng pagtanggi umanong kilalanin ang kapangyarihan ng Kongreso sa budget deliberations at mga pagdinig in aid of legislation.- Advertisement -
Isyu sa confidential funds
Ayon sa mga complainant, naging sentro ng reklamo ang confidential funds na natanggap ng Office of the Vice President, kabilang ang ₱125 milyon na pondo na hindi umano kasama sa orihinal na budget proposal na inihanda noong panahon ng dating administrasyon.
Ipinaliwanag sa reklamo na ang confidential funds ay mga pondong ginagamit sa sensitibong operasyon ng isang ahensya at karaniwang hindi isinasapubliko ang detalye ng paggastos, subalit kinakailangan pa ring sumunod sa umiiral na batas at patakaran ng audit.
Mga iregularidad sa mga dokumento
Ayon kay Rep. Romeo Acop, kinatawan ng ikalawang distrito ng Antipolo City, lumitaw sa mga acknowledgment receipts na isinumite para sa liquidation ng confidential funds ang pangalang “Mary Grace Piattos.”
Ayon kay Acop, ang pangalang ito ay kapansin-pansin dahil kahawig umano ito ng pangalan ng isang restaurant at isang kilalang brand ng tsitsirya. Dagdag niya, ang nasabing pangalan ay lumitaw sa mga dokumentong ginagamit upang patunayan na ang pondo ay naipamahagi sa mga confidential informants.
- Advertisement -Samantala, ayon kay Rep.Zia Alonto Adiong, kinatawan ng unang distrito ng Lanao del Sur, dalawang acknowledgment receipts — isa mula sa Office of the Vice President at isa mula sa Department of Education — ang parehong nakapangalan sa isang “Kokoy Villamin.”
Ayon kay Adiong, bagama’t iisang pangalan ang lumitaw, may pagkakaiba umano sa pirma at sulat-kamay sa dalawang dokumento, bagay na kanyang inilahad sa mga pagdinig ng Kamara.
Samantala, ang Acknowledgment Receipt (AR) ay dokumentong isinusumite upang patunayan na ang isang indibidwal ay tumanggap ng pondo o benepisyo mula sa gobyerno. Ang liquidation naman ay ang proseso ng pagpapaliwanag at pagsusumite ng dokumento upang patunayan kung paano ginastos ang pondo ng gobyerno.
Sa kabilang banda, ang Betrayal of Public Trust ay isang batayan ng impeachment na tumutukoy sa mga kilos ng isang opisyal na sumisira sa tiwalang ipinagkaloob ng publiko.
Dereliction of official duty
Ayon sa reklamo, kabilang sa dereliction of official duty ang umano’y paulit-ulit na hindi pagdalo ni Duterte sa mga pagdinig ng Kamara kaugnay ng deliberasyon ng budget ng kanyang tanggapan.
Ipinaliwanag sa reklamo na ang dereliction of duty ay maaaring tumukoy sa kapabayaan o sadyang pagtanggi ng isang opisyal na gampanan ang tungkulin, lalo na kung may malinaw na kapangyarihan ang Kongreso na magsagawa ng oversight.
Tugon ng panig ni VP Sara Duterte
Ayon kay Atty. Michael Poa, abogado ni Vice President Duterte, ang mga reklamong inihain laban sa kanyang kliyente ay wala umanong sapat na legal at factual basis. Dagdag ni Poa, igagalang umano ng bise presidente ang itinakdang proseso ng Konstitusyon at haharapin ang mga alegasyon sa tamang panahon at forum.
Naunang impeachent at desisyon ng Korte Suprema
Ayon kay Renato Reyes Jr., pangulo ng Bagong Alyansang Makabayan, ang mga bagong reklamo ay inihain matapos ang tinatawag na one-year bar rule, na nagbabawal sa paghahain ng higit sa isang impeachment complaint laban sa isang opisyal sa loob ng isang taon.
Matatandaang noong nakaraang taon, idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang naunang impeachment laban kay Duterte dahil sa paglabag sa naturang panuntunan.
Impeachment complaints laban kay Pangulong Marcos Jr.
Ayon kay Rep. Gerville Luistro, tagapangulo ng House Committee on Justice, nagsagawa na ng unang pagdinig ang House Committee on Justice kaugnay ng magkahiwalay na impeachment complaints na inihain laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ipinaliwanag ni Luistro na ang unang yugto ng proseso ay ang pagtukoy kung ang mga reklamo ay sufficient in form, o kung pasado ang mga ito sa mga rekisito tulad ng wastong beripikasyon, malinaw na alegasyon, at tamang endorsement ng mga miyembro ng Kamara.
Paglilinaw sa ‘first mode of impeachment’
Ayon kay Rep. Ysabel Maria Zamora, vice chairperson ng House Committee on Justice, ang mga reklamong inihain laban sa Pangulo ay saklaw ng first mode of impeachment.
Ipinaliwanag ni Zamora na ang first mode ay tumutukoy sa mga reklamong inihain ng ordinaryong mamamayan, na kalaunan ay iniendorso ng mga miyembro ng House of Representatives, bago ito isumite sa komite para sa pagtalakay.
Dagdag ni Zamora, dahil sa ilalim ng first mode ang mga reklamo laban kay Marcos Jr., hindi ito apektado ng naging desisyon ng Korte Suprema sa naunang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Mga reklamo at mga nagreklamo
Ang unang impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos Jr. ay inihain ni Atty. Andre de Jesus, isang pribadong abogado, at inendorso ni Rep. Jett Nisay ng Pusong Pinoy Party-list.
Ayon sa reklamo ni de Jesus, inaakusahan ang Pangulo ng betrayal of public trust, kaugnay ng umano’y mga isyu sa pambansang badyet at sa pagpapatupad ng mga flood control projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Isang hiwalay namang impeachment complaint ang inihain ng mga miyembro ng Makabayan bloc, na may kaparehong batayan ng betrayal of public trust, kabilang ang umano’y katiwalian at maling alokasyon ng pondo ng gobyerno.
Isyu na binanggit sa reklamo
Ayon sa mga reklamo, kabilang sa mga tinutukoy na isyu ang umano’y:
1. Paglalaan ng malaking pondo sa mga flood control projects na hindi umano tugma sa aktwal na kalagayan ng mga lugar na apektado ng pagbaha
-
Mga kwestiyon sa prayoridad ng pambansang badyet, partikular sa alokasyon ng pondo para sa imprastraktura at iba pang programa ng pamahalaan
Ipinaliwanag sa mga reklamo na ang mga isyung ito ay itinuturing umanong sapat na batayan upang kuwestiyunin ang pananagutan ng Pangulo bilang Chief Executive ng bansa.
Resuta ng botohan sa komite
Ayon sa House Committee on Justice, parehong idineklarang sufficient in form ang dalawang reklamong impeachment laban kay Pangulong Marcos Jr. matapos ang botohan ng mga miyembro ng komite.
Sa botohan, ang unang reklamo ay nakakuha ng 46 boto pabor, isang boto ang hindi pabor, at isang abstention, habang ang ikalawang reklamo ay nakakuha ng 35 boto pabor, siyam na boto ng hindi pabor, at isang abstention.
Ayon sa mga miyembro ng komite, ang resulta ng botohan ay nangangahulugang pasado ang mga reklamo sa paunang pagsusuri at maaari nang isalang sa susunod na yugto ng proseso ng impeachment.
Paglilinaw sa ‘sufficient in form’
Ipinaliwanag ng mga miyembro ng komite na ang deklarasyong “sufficient in form” ay hindi nangangahulugang napatunayan na ang mga paratang laban sa Pangulo.
Sa halip, nangangahulugan lamang ito na ang mga reklamo ay kumpleto sa dokumento, maayos ang porma, at sumusunod sa mga itinakdang patakaran, kaya’t maaari na itong suriin kung sufficient in substance sa mga susunod na pagdinig.
Susunod na hakbang sa proseso
Ayon sa House Committee on Justice, ang susunod na hakbang ay ang masusing pagtalakay kung ang mga reklamong impeachment laban kay Pangulong Marcos Jr. ay may sapat na bigat upang ituloy bilang Articles of Impeachment.
Dagdag ng komite, ang buong proseso ay isasagawa alinsunod sa 1987 Constitution at sa umiiral na House Rules on Impeachment, at walang magiging espesyal na trato sa sinumang opisyal ng pamahalaan.

