(Huli sa 2-serye)
SINIMULANG ipinatupad ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang bagong ‘MTRCB Mobile App’ noong kalagitnaan ng taong 2025. Naglalaman ang naturang app ng mga bagay na dapat malaman tungkol sa ahensiyang ito na kasalukuyang pinamumunuan ni Chair Diorella Sotto-Antonio. Dahil dito, waring mas napabilis ang pagsa-submit ng ulat ng mga naatasang maging deputy member ng MTRCB. Inaatasan kasi ang bawat MTRCB deputy na mag-report tungkol sa napanood na pelikula o TV program ng dalawang beses sa isang buwan (o higit pa). Naging mas maayos din ang koordinasyon sa opisina ng MTRCB sa tulong ng App.

Ang nasabing MTRCB App ay nagpaayos ng workflow at nagdagdag ng transparency sa proseso ng pagkuha ng monitoring ticket at ng kaakibat na pag-uulat pagkatapos manood. Sa dami ng palabas na sinusubaybayan sa buong bansa, malaking tulong ang sistemang digital upang maseguro na maayos ang dokumentasyon. Sa pagkuha ng tiket sa takilyera sa sinehan, dapat buksan ng deputy ang kanyang MTRCB app na nasa cellphone upang doon sagutin ang lahat ng impormasyong kaugnay sa panonooring pelikula (kasama na ang pamagat ng pelikula, oras ng palabas, ang cinema kung saan manonood, ang mall na kinalalagyan ng sinehan, at iba pa).

Pagkatapos ay kailangan pa ring ipakita ang hawak na MTRCB Deputy card. Magkatambal ang app at card sa pagkuha ng monitoring ticket sa sinehan.

Ano-ano nga ba ang tungkulin at responsabilidad ng isang deputy member?
Batay sa aktuwal na karanasan, ganito ang takdang gawain ng isang MTRCB Deputy:
- Pagmo-monitor ng mga palabas at materyales. Tinitiyak niya na ang pelikula, TV programs, trailers, at publicity materials ay may ‘tamang klasipikasyon’ at ‘permit to exhibit.’
- Pag-inspect sa mga movie theaters, cinemas, at public exhibition venues (gaya ng mga TV screens sa mga bus at barko). Tinitiyak ng isang deputy na ang aprubadong materyal lamang ang ipinalalabas. Tanging ang mga pelikulang may rating na G at PG lamang ang puwedeng ipalabas sa mga bus at barko; at dapat ay matamang sinusunod ng sinehan ang ‘age-appropriate restrictions.’
- Pag-uulat kung may nakitang paglabag sa alituntunin ng MTRCB. Halimbawa’y hindi wasto ang nakitang rating sa aktuwal na rating ng palabas o kaya’y may violation sa mismong edad ng manonood.
- Pagdalo sa mga training at seminar ng MTRCB (gaya ng ‘Matalinong Panonood’ seminar). Pagtupad sa mga updates at developments na posibleng mangyari sa MTRCB.
- Paggamit ng MTRCB Deputy ID/Pass (na laan para sa dalawang tao) upang makapasok sa mga sinehan. Puwedeng magsama ng isang guest ang isang deputy.

Bakit mahalaga ang ginagampanang papel ng naatasang maging MTRCB Deputy?

Hindi kasi kayang bantayan ng iilang tao lamang ang buong industriya ng pelikula at telebisyon. Kailangan ng mga Deputy na susunod sa itinakdang proseso ng MTRCB at may malasakit sa tamang pagpapatupad ng rating na ipinataw ng MTRCB sa bawat palabas. Ang Deputy ay hindi nanonood ng pelikula upang husgahan ang kalidad ng napanood. Hindi siya isang film critic. Ang siniseguro niya ay nagma-match ang klasipikasyon ng pelikula na nasa ‘permit to exhibit’ sa aktuwal na klasipikasyon ng pelikulang ipinalalabas. Tinitingnan din niya kung angkop sa naturang klasipikasyon ang edad ng mga manonood sa loob ng sinehan.
Huwag ding ipagkamaling ang pagiging deputy ay para lamang sa mga panoorin sa pelikula. Kasama sa puwede niyang i-monitor at iulat sa MTRCB ay ang mga palabas sa telebisyon: drama, sitcom, news, variety shows, at iba pa. Lahat ng live shows na ipinalalabas sa TV sa buong bansa ay may rating agad na PG (Parental Guidance) o SPG (Strong Parental Guidance) kung saan kinakailangan ang matamang gabay ng mga adults sa mga batang manonood. Ito’y sapagkat hindi tayo nakatitiyak sa mangyayari sa isang live TV show. Unpredictable ang nature ng ganitong palabas, sabi nga, kahit pa inaasahang tumutugon sa age-appropriate standards ang naturang panoorin. Paano kung biglang may nasabi o nagawa ang TV host na hindi age-appropriate habang umeere ang palabas?
Mula noong 1985 hanggang sa mga inisyatibo nitong 2025, malinaw ang direksyon ng MTRCB: magbigay-gabay sa publiko sa patuloy na nagbabagong mundo ng media. Ang aking karanasan bilang Deputy ay isang paalala na sa likod ng bawat klasipikasyon sa screen ay may maingat at sistematikong prosesong dinaanan. Bagama’t isang voluntary work ang pagiging Deputy ng MTRCB, mahalagang papel ang ginagampanan nito sa pagpapalaganap ng isang maayos na media environment. Tandaan na ang MTRCB ay hindi tungkol sa censorship. Hindi ito censor’s board gaya nang pinaniwalaan ng iba sa atin noong una. Ito ay tungkol sa pagbibigay-kaalaman at gabay, upang ang bawat Pilipino ay makapanood ng may sapat na impormasyon at tamang pag-unawa.
Paano mag-apply sa MTRCB para maging Deputy?
May malinaw na proseso ang MTRCB kung saan siniseguro nito ang kakayahan at integridad ng sino mang aplikante bilang Deputy. Ito ay ang mga sumusunod:
- Pagpapakita ng interes. Ang isang organisasyon, ahensya, o ang mismong aplikante, ay dapat ipahayag ang kaniyang interes na maging Deputy Member ng MTRCB. Kailangan nilang magpadala ng ‘Letter of Intent’ sa MTRCB sa pagsisimula ng taon kung saan isinasaad niya ang dahilan kung bakit interesado siyang maging Deputy. May mga pagkakataon ding inaanunsyo sa opisyal na website ng MTRCB ang pagbubukas para sa pagiging Deputy Members.
- Pagsusumite ng aplikasyon
- Screening. Sinasala ng MTRCB ang mga aplikante. Magpapadala ang namumuno ng komite ng deputization ng isang email sa candidate kung saan nakapaloob ang isang exam na kailangang sagutin ng isang deputy candidate. Ang mga tanong ay umiikot sa kanyang papel bilang deputy (may teksto namang babasahin muna bago ang aktuwal na pagkuha ng exam). May kabuuang 20 tanong ito na kailangang sagutin sa loob ng 30 minuto. Kailangang makakuha ng passing score upang maitalaga bilang deputy.
- Orientation at Seminar. Kapag na-appoint na bilang Deputy, dadaan siya sa mandatory orientation at seminar tungkol sa mga tuntunin, classification system, at monitoring guidelines. Kailangan itong daluhan ng bawat deputy na itatalaga.
- Opisyal na Appointment. Matapos ang lahat ng hakbang, magkakaroon ng opisyal na appointment mula sa MTRCB, at maaaring magsimulang mag-monitor sa mga palabas sa sinehan o telebisyon.
Nasa discretion ng MTRCB kung ikaw ay mabibigyan ng pagkakataong maging deputy. Ito ay isang pribilehiyo lamang na ipinagkakaloob ng MTRCB sa sino mang nagnanais na maging deputy. Maaari itong bawiin anytime kung nakagawa siya ng mga violation. Huwag na ring magtangkang mag-apply bilang MTRCB Deputy kung ang nais lamang ay makapanood ng sine ng libre. Ang pagiging Deputy ay may kaakibat na mga tungkulin at responsabilidad na dapat tupdin.

