BILANG alternatibong dulog sa pagtuturo at pagkatuto, ang service learning ay ang paraan ng pagtatambal ng pagsasapraktika ng mga natututunan sa kurikulum (o larangan) at ang pananagutang makapaglingkod sa komunidad (o lipunan). Hindi katulad ng pangkaraniwang volunteer work, ang mga mag-aaral ay nakatatanggap ng kaukulang credit units kapag naisakatuparan ang mga rekisito (o requirement) sa service learning. Ginagawa nitong makabuluhan ang edukasyon sa pamamagitan ng pagtugon sa mga problemang panlipunan, pangkaunlaran at pangkalikasan. Ang mga sumusunod ay ilang tala ng kaalaman at paalala ukol sa pagpaplano at pagpapatupad ng service learning course ng pamantasan sa pamayanan.
- Tiyaking magkaroon ng kongkretong aplikasyon at kapaki-pakinabang na gamit sa komunidad ang mga natutunan sa klase.
- Itambal ang isasagawang proyekto sa komunidad sa mga kaalaman at kasanayang nalinang sa kurso.
- Maging pamilyar sa kasaysayan at kalagayan ng lokal na kaligiran (surrounding) at kapaligiran (environment) upang mas maging lapat ang mga proyekto at programa ng service learning.
- Pagtibayin ang konsepto at praksis ng panlipunang pananagutan sa hanay ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagtatambal ng functional literacy at community engagement.
- Balangkasin mabuti ang isasagawang service learning sa pamamagitan ng epektibong pagpaplano at pamamahala.
- Tiyakin ang maayos, masusi at marespetong koordinasyon sa pamantasan at komunidad.
- Ituring ang komunidad na katuwang at kaagapay sa pagpapaunlad ng kaalaman, kasanayan at pagpapahalaga ng mga mag-aaral. Wika nga, it takes a village to raise/educate a child.
- Makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan, pang-masang organisasyon at/o katutubong pamunuan para sa isasagawang service learning.
- Tandaan na ang service learning ay kinakailangang demokratiko at maramihang panig. Hindi dapat maging mapagmataas at mapanggiit ang pamantasan.
- Bumuo ng kasunduan at tiyaking mapanlahok ang proseso ng konsultasyon.
- Pangalagaan ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral at ng mismong komunidad.
- Magsagawa ng pre- at post-reflection bilang rekisito sa service learning. Mahalaga ito upang maikumpara ang pagbabago sa kaisipan, pananaw, kaalaman, aktitud, disposisyon at damdamin ng mga mag-aaral. Inaasahang pagnilayan din ng mga (dalub)guro ang kanilang sariling karanasan bilang kalahok at tagapatnubay.
- Maging mapagmasid sa mga problema ng komunidad na nais mong makapag-ambag ka sa proseso ng pagbuo at pagpapatupad ng resolusyon.
- Gamitan muna ng paunang pagsisiyasat sa pamamagitan ng kongkretong pagsusuri sa kongketong kalagayan (KPKK) ang komunidad bago bumuo at magsagawa ng service learning.
- Mag-ambag sa resolusyon ng mga problemang kinakaharap ng komunidad gamit ang mga kaalaman (knowledge), kasanayan (skills) at pagpapahalagang nalinang (values) sa klase at kurikulum.
- Palawakin, palalimin at pagtibayin ang pagkatuto at pagsasanay sa pamamagitan ng aplikasyon ng aralin sa aktwal na kalagayan ng komunidad.
- Gawing makahulugan ang pag-aaral sa larangan sa pamamagitan ng pagbibigay-buhay sa mga konsepto at kaisipan sa lokal na konteksto at nagbabagong kondisyon.
- Idokumenta ang karanasan para mapaghalawan ng aral at inobasyon sa mga susunod na isasagawang service learning.
- Ipatupad ang magkatambal na prinsipyong “walk the talk” (application) at “talk the walk” (communication) sa pamamagitan ng pagsasapraktika ng mga natutunan sa pamantasan at pagpepresenta sa publiko ng mga isinagawang programa at proyekto sa komunidad. Mahalaga ang aplikasyon sa pagtiyak ng praksis at mahalaga naman ang komunikasyon sa pagtiyak ng pananagutan.
- Linangin ang kasanayan sa pamumuno, pamamahala at pag-oorganisa sa pamamagitan ng service learning.
- Tukuyin at imapa ang taglay na rekurso (resources) ng klase. Kasama rito ang kanilang kolektibong bilang, kaalaman, kasanayan, kahandaan at karanasan.
- Aralin ang place-based inquiry upang mas maging matagumpay at epektibo ang isasagawang service learning. Maaaring sumangguni sa babasahing ito bilang panimula: Place-based Inquiry 101 – Pinoy Peryodiko
- Tukuyin ang mga bulnerableng komunidad, lokalidad at grupo na maaaring matulungan at maagapayan.
- Tumugon sa mga pangangailangan ng mga batayang sektor bilang ambag pagpapaunlad ng komunidad. Unawain ang kanilang kalagayan gamit ang kanilang lente upang mas maging makapagpanibagong-hubog ang paglalapat at pakikitungo.
- Matuto rin mula sa collective wisdom at situated knowledge ng batayang sektor na may kinalaman sa buhay, pamumuhay, at kabuhayan.
- Pagnilayan ang karanasan batay sa naging ambag nito sa iyong transpormasyon bilang mag-aaral, mananaliksik at mamamayan. Maging malay (aware) at mapagnilay (reflective).
- Ipakita ang natutunan sa pamamagitan ng individual reflective journal, group report at performance task na nagpapatibay at nagpapatotoo sa aplikasyon ng karunungan sa larangan at lipunan.
- Saklawin ang tatlong domains of learning upang maging holistiko ang pagsasagawa ng service learning sa komunidad: cognitive (head), affective (heart) at psycho-motor (hand). Kritikal ang salimbayan ng tatlong ito.
- Pahalagahan ang service learning bilang isang dakilang ambag sa panlipunang katarungan (social justice) at kaunlaran para sa lahat (development for all).
- Gamitin ang service learning upang ilapat sa lupa at ikonteksto ang aplikasyon ng mga abstraktong teorya at konsepto sa aktuwal na kalagayan at karanasan ng/sa komunidad. Bumaba at lisanin ang ating mga ivory tower (toreng garing).
- Pahalagahan ang teorya bilang gabay sa praktika at ang praktika bilang pagpapatalas ng teorya.
- Tandaan na ang nagdudugtong sa teorya at praktika ay ang konteksto. Sa parametrong ito, ang komunidad ang nagsisilbing konteksto.
- Magsagawa ng sapat na oryentasyon at preparasyon ng mga mag-aaral upang mas maiangkop at maihanda sila sa gawain.
- I-angkop ang isasagawang service learning sa kapasidad at kahandaan ng mga mag-aaral.
- Linangin sa pamamagitan ng service learning ang tiwala sa sarili, katatagan ng loob, pakikipagkapwa, malasakit, pagkamalikhain at pagpupunyagi.
- Palakasin ang interdisiplinaryong dulog sa service learning sa pamamagitan ng pagtatambal ng mga kaalaman at kasanayan mula sa iba’t ibang larangan, disiplina at asignatura.
- Bumalangkas ng iba’t ibang paraan ng pagtatasa (o assessment) sa partisipasyon ng mga mag-aaral sa service learning.
- Magsagawa ng dokumentasyon sa paraang pasulat, awdyo, biswal o multimodal nang may pagsang-alang-alang sa etikal na konsiderasyon sa pamamagitan paghingi ng free and prior informed consent (FPIC) mula sa komunidad at kinauukulan.
- Paghalawan ang karanasan sa service learning upang higit na mapaunlad hindi lamang ang service learning program kundi maging ang mismong kurikulum at silabus sa pamantasan.
- Sumangguni sa talaan sa ibaba ukol sa iba’t ibang service learning na maaaring isagawa batay sa inyong kinabibilangang larangan, kurso at/o asignatura:
| Child psychology | Pagbuo ng sustainable toys at pamamahagi nito sa mga bata sa komunidad |
| Garbology | Pagsasagawa ng garbage o waste audit sa komunidad |
| Critical geography | Pagsasagawa ng countermapping ng pagpapalit-gamit ng lupa (land-use conversion) sa komunidad |
| Health communication | Pagtuturo ukol sa triple burden of disease sa lokalidad |
| Nutritional biochemistry | Pagsasagawa ng diabetes awareness sa iba’t ibang sektor |
| Pediatric nursing | Pagpapalaganap ng kaalaman upang sugpuin ang stunting o pagkabansot ng mga bata |
| Bioethics | Paggawa ng infographic ukol sa animal rights and welfare |
| Philippine cultural history | Pagtulong sa pagbuo ng local museum |
| Knowledge management | Pagtulong sa pag-aarkibo (archive) ng mga lathalain, larawan at panayam ukol sa local history at local culture ng lugar |
| Forest governance | Pagsusulat ng policy brief upang proteksyonan ang kagubatan Gabay sa pagbuo ng policy brief – Pinoy Peryodiko |
| Fiscal administration | Pagmumulat sa mga mamamayan ukol sa likas-kaya at alternatibong badyet |
| Food anthropology | Pagsasagawa ng food heritage mapping sa lokalidad |
| Community theater | Pagtuturo ng shadow puppet sa mga kabataan upang magtanghal ukol sa climate debt at climate injustice |
| Media and information literacy | Pagtuturo sa mga bulnerableng mamamayan ukol sa cybersecurity at digital safety |
| Botany at zoology | Pagtuturo katuwang ang komunidad upang tukuyin ang mga invasive species sa kapaligiran |
| Information and library science | Pagsusulong ng dekolonisasyon ng mga silid-aklatan upang maipalaganap ang makabayang edukasyon |
| Political dynamics | Pagsasagawa ng voter’s education seminar sa mga first time voter |
| Community nutrition | Pagtatayo ng food pantries sa lugar ng mga maralitang tagalunsod at/o nasalantang komunidad |
| Malikhaing pagsulat | Pagsusulat ng mga kuwentong pambata katuwang ang komunidad tampok ang mga kuwentong bayan |
| Science communication | Pagbuo katuwang ang komunidad ng booklet ukol sa siyentipikong batayan ng mga indigenous knowledge systems and practices (IKSP) sa lokalidad |
| National Service Training Program | Pagtatayo ng sustainability corner kung saan maaring magdonate, makibahagi at/o makahingi ng mga pinaglumaang gamit |
| Agroecology | Pagsasagawa ng pamamahagi ng indigenous seed at maglunsad ng pagsasanay sa pagtatanim ng mga indigenous vegetable |
| Human ecology | Pagsasagawa ng community audit ng green space, green architecture at green transportation |
| Sustainable architecture | Pagsasagawa ng community audit ng mga hostile architecture |
| Science, Technology and Society | Pagsasagawa ng community audit ng energy at water conservation effort sa komunidad |
Bilang pagbubuo(d), pakatandaan na ang service learning ay isang alternatibong modelo na nagsusulong ng pilosopiyang “learning to serve” at “serving to learn.” Kapwa nakikinabang ang mga mag-aaral at komunidad sa tambalang ito. Sa pamamagitan ng pagsasalimbayan ng larangan at lipunan ay mas nagiging makabuluhan, likas-kaya, transpormatibo at mapagpalaya ang edukasyon para sa lahat.
Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaaring umugnay sa pamamagitan ng [email protected].

