26.1 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Ano ang inuulit, salitang ugat o panlapi?

- Advertisement -
- Advertisement -

HANGGANG ngayon, marami pa ring naniniwala na sa pagbabanghay ng pandiwa, inuulit ang unang pantig ng salitang ugat. Maging si Jose Rizal, sa kanyang Estudios sobre la lengua tagala, ay nagsabi na inuulit ang unang pantig ng salitang ugat. Ibinigay niyang mga halimbawa ang: “hulihin, huhulihin; buksan, bubuksan.

Tama naman si Rizal, at ang marami pang estudyante at guro ng wikang Tagalog/Filipino, kung ganyang klaseng mga salita lamang ang pag-uusapan. Pero maging si Rizal ay waring hindi nakapansin na ang unang pantig ng BUKSAN ay BUK – kaya kung susundin ang tuntunin na ulitin ang unang pantig, ang dapat maging anyo ng panghinaharap na pandiwa ay BUK-BUK-SAN, di ba? Samakatwid, sablay – ang tuntunin ba o ang halimbawang salita?

Tingnan natin ang iba pang mga halimbawa sa ibaba, na nagpapakita ng pag-uulit sa tatlong anyo ng pandiwa – pangnagdaan, pangkasalukuyan, at panghinaharap:

Salitang ugat: basa – magbasa: nagbasa, nagbabasa, magbabasa

kita –   kitain: kinita, kinikita, kikitain


kain –  kumain: kumain, kumakain, kakain

laki –    lumaki: lumaki, lumalaki, lalaki

buhos- magbuhos: nagbuhos, nagbubuhos, magbubuhos

laba – maglaba: naglaba, naglalaba, maglalaba

- Advertisement -

sipa – masipa: nasipa, nasisipa, masisipa

Nagaganap ang pag-uulit, o reduplikasyon, sa pangkasalukuyan at panghinaharap na anyo ng pandiwa, gaya ng ipinapakita ng mga halimbawa. Makikita sa mga halimbawa na tunay nga, inuulit ang unang pantig ng salitang ugat.

Pero sablay na ang tuntunin kapag ang unang pantig ay may tatlong letra, tulad ng BUKSAN, SUNTOK, SAMPAL, TAKBO, at marami pang iba.

Kung babalikan natin ang orihinal na anyo ng buksan, ito ay BU-KA-SAN, mula sa BU-KAS. Ang orihinal na anyo ay BU lamang ang unang pantig. Pero nagkaroon na ng pagbabagong morpoponemiko, o pagbabago sa anyo at tunog, kaya ang BUKASAN ay naging BUKSAN. Sa ganito nang anyo, ang unang pantig ay hindi na BU kundi BUK. Kaya hindi na mailalapat dito ang tuntuning pag-uulit ng unang pantig ng salitang ugat.

Kung gayon, hindi lapat ang tuntunin sa mga salita na ang unang pantig ay binubuo ng tatlong letra. Ang tuntunin sa pag-uulit ng unang pantig ay mailalapat lamang kapag dadalawang letra  ang bumubuo sa unang pantig.

Ang ganyang pangyayari ay nilunasan ng noon ay Surian ng Wikang Pambansa (o SWP, Komisyon sa Wikang Filipino ngayon) sa inilabas nitong mga tuntunin sa pagbabanghay ng pandiwa sa pamamagitan ng pagpapangkat sa mga pandiwa at pagbubuo ng magkakahiwalay na mga tuntunin batay sa panlaping makadiwa. Ang ibig sabihin, may tuntunin kapag -UM- ang panlapi, may hiwalay na tuntunin kapag MAG- ang panlapi, may hiwalay pa uling tuntunin kapag pinagsama ang mga panlapi, tulad ng MAGKA-, MAGPA-, atbp.

- Advertisement -

Pagbubuo ng tuntunin

Ano ang itinuro sa atin ng sabjek na Science noong hayskul? Di ba, matapos ang ating eksperimento, nagbubuo tayo ng mga teorya at tuntunin batay sa ating natuklasan sa ating eksperimento? Sabi sa atin, sa pagbubuo ng mga tuntunin, dapat ay pangkalahatan ang mga ito, saklaw ang maraming kaso, at walang kataliwasan o exception. Kaya ang tuntunin sa reduplikasyon ay dapat sumaklaw sa lahat ng pandiwang binabanghay, maging ano man ang panlapi, at maging dalawa man o tatlo ang mga letrang bumubuo ng unang pantig.

Sa tuntunin ng noo’y SWP, lumilitaw na kataliwasan o exception ang unang pantig na may tatlong letra, dahil hindi mailalapat dito ang tuntunin sa pag-uulit ng unang pantig.

Ano nga ba ang inuulit natin? Di ba, unang katinig (Unang K) at unang patinig (Unang P) lamang ang inuulit? Kung gayon, baguhin ang tuntunin at gawing ganito: Inuulit ang Unang K at Unang P, at tingnan, lapat na ito sa mga salita, 2 man o 3 titik ang bumubuo ng unang pantig. Pero ang tanong ay: Unang K at Unang P ng ano?

Panlapi ba ang inuulit? May isang dalubhasa na nagsabing hindi unang pantig ng salitang ugat ang inuulit, kundi ang PANLAPI. Bago iyan. Panlapi nga ba ang inuulit? Tingnan natin.

Ang word stem o tangkay ng salita 

Ito na ang binagong tutnunin: Sa pagbabanghay ng pandiwa, inuulit ang Unang K at Unang P ng word stem, o ang tinawag ni Dr. Ricardo Nolasco ng UP Diliman, na TANGKAY NG SALITA, o SALITANG TANGKAY. Hindi na ito ugat lamang dahil tumubo na, nagkatangkay na. May mga panlapi na ito. Narito ang mga halimbawa:

Salitang ugat: bait: mga panlapi – panlaping makadiwa, MAG-. Iba pang mga panlapi: PA-+KA-= magpakabait. Paano babanghayin: nagpakabait, nagpapakabait, magpapakabait.

Iba pang halimbawa:

ISAPUSO – isinapuso, isinasapuso, isasapuso

MAGPAKAMATAY – nagpakamatay, nagpapakamatay, magpapakamatay

MAPASAKANYA – napasakanya, napapasakanya, mapapasakanya

MAGPAKABAIT – nagpakabait, nagpapakabait, magpapakabait

MAGSAASWANG – nagsaaswang, nagsasaaswang, magsasaaswang

IPAKILALA – ipinakilala, ipinapakilala, ipapakilala

Sa mga halimbawang ito, malinaw na makikita kung aling pantig ang inuulit. Ito ay ang SA at PA. Ang lahat ng pantig na nasa kanan ng panlaping makadiwa na I- at MAG-, ito ang bumubuo ng tinatawag na salitang tangkay/tangkay ng salita. Samakatwid, ang inuulit ay ang UNANG K at UNANG P ng salitang tangkay, hindi salitang ugat at hindi rin panlapi.

May variant din ang anyong panghinaharap ng IPAKILALA. May nagsasabing IPAKIKILALA, mayroon ding IPAPAKILALA. May nag-uulit ng PA-, mayroon naming KI-  ang inuulit. Bakit may dalawang anyo, tulad din ng iisyu tungkol at NAKAKAHIYA at NAKAHIHIYA. Nasabi ko na noon na ang NAKAKAHIYA ang sumusunod sa tuntunin, at ang NAKAHIHIYA ang lumilihis. Siguro naman ay malinaw na ngayon kung bakit. Ganyan talaga ang modernisadong wika, tulad ng Filipino. Kung noon ay itinuturing na MALI ang anyong NAKAKAHIYA dahil ang tama raw ay ang NAKAHIHIYA, ngayon ay malinaw na na ang NAKAKAHIYA ang sunod sa tuntunin sa pag-uulit sa pagbabanghay ng pandiwa. Ito rin ang anyong mas gamitin ng mga kabataan at ng mas nakakaraming tagapagsalita ng wikang Filipino.

May mga tanong ba kayo?

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -