29.5 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Malabonian, Malabueños, Malabeni: Bisa ng salita sa paghubog ng pananaw

- Advertisement -
- Advertisement -

 NAKAKALUNGKOT na nabura pala sa nakaraang isyu ng WIKA NGA ang mga terminong lumulutang bilang pantawag sa sarili ng  mga isinilang, naninirahan at pati na iyong mga nakikitira sa Lungsod ng Malabon. Matagal mang tumira o saglit lang tumigil sa Malabon, marami sa mga ito ay nagsasabing taga-Malabon sila. Wala pang tiyak na tawag sa mga taong ito, di tulad sa Quezon City na nagkakasundong sila ay QCitizens, o sa mga nasa Pasig, na Pasigueños sila, sa mga Batangueño at Caviteño, Pangasinense, atbp.

Nabura ang sumusunod na mga salita: Malabonian, Malabueños, Malabeni. Nagtataka siguro ang mambabasa at tagasubaybay kung ano ang mga salitang iyon, na nawala, at ang naiwan lamang ay mga paliwanag kung sino ang mga tagagamit o kung saan nanggaling ang mga salita.

Ang mga salitang Malabonian at Malabueños ay kapwa ginagamit ng pamahalaang lungsod ng Malabon, bagama’t tila Malabueños ang mas pinapaboran dahil ito ang salitang makikita sa mga tarp ng pagbati ni Mayora Jeannie sa mga mamamayang graduates. Ang Malabeni naman ay mula sa “parang Venice,” ang syudad sa Italia na may lawang may magagandang gondola.

Nang lumabas ang isyu ng Wika Nga noong nakaraang Miyerkules, nakatanggap pa ako mula sa mga mambabasa ng dagdag na mungkahing mga pantawag: Malaboni at Malaboño. Mas maikli ang mga salitang ito kaysa sa matagal nang “taga-Malabon.” Ang kainaman sa Malaboni, bukod sa mas maikli kaysa Malabonian, ay parang may taglay na lambing. Ang Malaboño naman ay na tila tunog-Kastila dahil sa letrang ñ. Kaya lang, maituturing na may kasarian itong ipinahihiwatig – nagtatapos sa O kaya kapag babae ang tinutukoy, obligado ang gumagamit na palitan ng A ang dulong O.

Balikan naman natin ang Malabueños. Saan kaya nanggaling ang salitang ito, na mas pinapaboran ng Malabon LGU. Ang Mala, bagama’t masasabing mula sa MALAbon, ay nangangahulugang MASAMA sa Kastila. At ang bueños naman ay hindi mo malaman kung saan galing. Katunog ng BUENOS sa Kastila na nangangahulugang MABUTI, pero saan galing ang letrang ñ? Ang salitang ito ay tila palpak na imbento na nakakapilipit ng dila at mahiwaga ang tunog at kahulugan. Pansariling pananaw ko lamang ito at bahagi ng karapatan kong magpahayag ng opinyon pero may ilan na nagpahayag ng pagsang-ayon dito. At kung hindi kayo sang-ayon ay CHEERS na lang tayo.


Ang bisa ng salita sa paghubog ng pananaw

 

Hindi simple ang tungkulin ng mga salita. Ang tawag natin sa ating mga sarili ay nagpapakilala kung sino at ano tayo.

 

- Advertisement -

Dati, simple lang. Tagasaan ka? Taga-Malabon, taga-Navotas, taga-Maynila. Ngayon, nagbubuo na tayo ng mga pantawag sa ating sarili batay sa lugar na pinanggalingang lugar. Bulakenyo/-a, Tarlakenyo/-a, atbp. Dati, kapag isinagot mong taga-Malabon ka, agad iisipin ng mga tagaibang lugar na mayaman kayo, may mga palaisdaang nagsasampa ng salapi. Naghirap na kami mula nang masunog ang aming mga palaisdaan, sasabihin ko. At maniniwala naman sila, hindi magtatanong kung paanong nasunog ang palaisdaan, e tubig iyon. Pero naging lupa na ang mga palaisdaan sa Malabon, naging housing project na binarahan ang mga daluyan ng tubig, kaya mas iniuugnay na ngayon ang Malabon sa BAHA. Gayon man, wala kayong mababalitaan na NAMATAY MATAPOS MALUNOD sa Malabon.

Ang unlaping I- ay nagsasaad ng lugar. Kaya ang salitang ITAAS at IBABA ay nagsasabi kung nasa mataas o nasa mababa ang isang lugar. Kaya ang IGOROT ay nangangahulugan lamang na taga- (I-) gulod o bundok. Pero nakatanim na sa utak natin na ang mga tagabundok ay atrasado ang kaalaman kaya naging negatibo ang dating ng salita. May isang panahon na itinuring na insulto ang pantawag na Igorot, pero ngayon, mabuti’t binago na nila ang ganitong pananaw. Ipinagmamalaki na nilang bigkasing IGOROTAK (IGOROT AKO).

Karaniwang tinatawag na INTSIK ang mga Tsino na naninirahan sa Pilipinas, pero dinugtungan pa ito ng BEHO kaya naging mapang-insulto. Pero kung hindi ako nagkakamali, ang salitang Intsik ay simpleng nangangahulugang Tiyo, kaya hindi naman nang-iinsulto. Pero ngayon, ang popular/tamang tawag na ayTSINO/-A.

Bernakular at pagkakaloob ng kalayaan

Ang isang salitang ginamit ng mananakop na mga Kastila ay BERNAKULAR – ito ang itinawag nila sa mga wika sa Pilipinas. Itinanim nila sa utak ng ating mga ninuno na ISA lamang ang wika, ang wikang Español, na tinawag na Kastila ng ating mga ninuno. Lahat ng katutubong wika ay bernakular o diyalekto lamang. Naitanim ito nang napakalalim sa ating mga utak kaya hanggang ngayon ay diyalekto o bernakular pa rin ang tawag ng marami sa Ilokano, Cebuano, Hiligaynon, Samar-Leyte, at iba pang mga wika sa Pilipinas. Nakaimbento pa tayo ng salitang WIKAIN – para tukuyin ang ibang mga katutubong wika, maliban sa Filipino. Minsan nga, isang mataas na opisyal ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang namarali ng hierarchy ng mga wika, na ang wikang Filipino ang nasa pinakamataas na kalagayan at samantalang ang iba pang mga wika katutubo ay nasa mas mababang posisyon. Na hindi totoo. Dahil pantay-pantay ang mga wika, lahat ng wika ay mahalaga, marami man o kaunti lamang ang mga tagapagsalita.

Isa pang konseptong dapat baguhin sa ating mga teksbuk ay ang idea na “ipinagkaloob ng Estados Unidos ang ating kalayaan noong Hulyo 4, 1946.” Kaya dati, Hulyo 4 natin ipinagdiriwang ang ating kalayaan. Pero binago ito noong 1963 nang gawing Hunyo 12, 1898 ang araw nang lumaya tayo sa pananakop ng mga Kastila. Nakakalungkot na hanggang ngayon, mababasa pa rin sa ating mga aklat ng kasaysayan ang salitang “pagkakaloob” ng Kalayaan ng US sa Pilipinas. Ikinakalat nito ang idea na dati tayong alipin na “pinalaya” sa pagkaalipin ng mga panginoong Amerikano. Hindi ito totoo. Sapagkat likas sa mga tao ang isilang na malaya. Pero maraming mapang-alipin at mapagsamantala na lumulupig sa ibang bansa na kaya nilang talunin. Kaya nananatili ang ating pagkaalipin at ang pagsamba sa mga mananakop ay utang natin sa salitang ginagamit natin. Ang dapat gamitin ay hindi “pagkakaloob” kundi “pagkilala” sa likas na karapatan ng bawat isa na maging malaya at manatiling malaya.

- Advertisement -

Dapat kayang ipag-utos pa ng DepEd ang ideang ito sa mga textbook writers? Hindi ba, bago ka maging textbook writer, dapat may sapat kang kaalaman at kasanayan sa iyong paksa? Nagtatanong lang.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -