29 C
Manila
Sabado, Hunyo 20, 2026

Bukas si PBBM sa pagtalakay ng 4 na araw na workweek sa gobyerno para makatipid sa enerhiya

- Advertisement -
- Advertisement -

BUKAS si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pag-aaral ng posibilidad ng apat na araw na workweek sa mga tanggapan ng pamahalaan bilang hakbang sa pagtitipid ng enerhiya sa gitna ng patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan, ayon sa isang opisyal ng Malacañang nitong Miyerkules.

“Sa ngayon po ay maaaring pag-aralan po ng Pangulo ang ganyang suhestiyon lalo na kung magiging malala pa po ang nangyayaring Israel-Iran issue,” pahayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing sa Malacañang.

“Sa ngayon po ay hindi pa po ito napag-uusapan,” dagdag ni Castro.

Noong Martes, inatasan ni Pangulong Marcos ang mga tanggapan ng pambansang pamahalaan na magpatupad ng mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya sa gitna ng umiiral na tensyon sa Gitnang Silangan at hinikayat din ang mga lokal na pamahalaan at ang publiko na magsagawa ng kaparehong hakbang.

Nanawagan din ang Pangulo sa mamamayan na bawasan ang kabuuang konsumo ng enerhiya, habang nagpahayag ng pag-asa na hindi magtatagal ang sigalot sa Gitnang Silangan. Binigyang-diin din niya ang pangako ng pamahalaan na magpatupad ng mga hakbang upang mabawasan ang posibleng epekto nito sa bansa.

Tiniyak din ng Pangulo na may nakahanda nang mga hakbang ang pamahalaan upang maibsan ang posibleng epekto sa ekonomiya ng Pilipinas.

Sa direktiba ng Pangulo, naglabas ng advisory ang Inter-Agency Energy Efficiency and Conservation Committee (IAEECC) na naglalaman ng mga panukalang paraan upang makatipid sa enerhiya.

Sa advisory para sa mga ahensya ng pambansang pamahalaan, government-owned and controlled corporations (GOCCs), state universities and colleges (SUCs), at mga lokal na pamahalaan (LGUs), hinihikayat ang lahat ng tanggapan ng gobyerno na magbawas ng hindi bababa sa sampung porsyento (10%) sa kanilang konsumo ng gasolina. | PND

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -