DAHIL sa pandaigdigang krisis sa langis ngayong 2026 na nagpapataas ng presyo ng gasolina, kuryente, pagkain, at iba pang pangunahing pangangailangan, naghain si Senadora Loren Legarda ng Senate Bill No. 2020 o ang Bayanihan 3: Power to the People Act. Ito ay isang komprehensibong panukalang batas na naglalayong magbigay ng agarang tulong sa mga mamamayan habang nagtatakda ng mga hakbang sa buwis na nakatuon sa panahon ng krisis. Isa sa pangunahing probisyon nito ang isang beses na buwis sa sobrang yaman ng mga indibidwal na may pinakamalaking kakayahang mag-ambag, upang sila ay makibahagi sa pasanin sa limitadong panahon ng pambansang emerhensiya.
Ipinapanukala ang Solidarity Wealth Contribution na ipapataw sa netong ari-arian ng mga indibidwal na may higit sa ₱1 bilyon. Ang buwis ay progresibo: 1% sa yaman na higit ₱1 bilyon, 2% sa higit ₱2 bilyon, 3% sa higit ₱3 bilyon, at 4% sa higit ₱4 bilyon. Isang beses lamang itong ipatutupad bilang tugon sa emerhensiya at matatapos sa oras na ideklara ng Kongreso na tapos na ang krisis. Maaaring ma-exempt ang pangunahing tirahan at mga ari-ariang direktang ginagamit sa aktibong negosyo, batay sa ipalalabas na patakaran.
“Ang panukalang ito ay panawagan sa tunay na bayanihan. Sa gitna ng krisis, lahat tayo dapat magbahagi ng pasanin ayon sa ating kakayahan. Hindi puwedeng ang ordinaryong Pilipino lang ang laging unang tinatamaan ng taas-presyo, habang ang pamahalaan naman ay limitado sa piecemeal na tugon. Kaya sa panukalang ito, ang mga may mas malaking kakayahang tumulong ay inaasahang makikibahagi rin, pansamantala, upang may maipantustos sa agarang tulong para sa mga pinakaapektadong sektor,” pahayag ni Legarda.
Bahagi ang Solidarity Wealth Contribution ng apat na haliging progresibong panukala sa buwis na naglalayong tiyakin ang patas na pagbabahagi ng pasanin at makalikom ng pondo para sa krisis. Kasama rito ang panukalang windfall profit levy na hanggang 15% sa sobrang kita ng mga korporasyon sa enerhiya, transportasyon, at tubig.
Inaatasan din ang Ehekutibo na agad suriin, sa loob ng 30 araw, ang pansamantalang buwis sa mga luho gaya ng mamahaling sasakyan, alahas, yate, pribadong eroplano, high-end na moda, at premium na real estate. Ang mga hakbang na ito ay nakalaan upang mabalanse ang epekto ng pansamantalang suspensyon o pagbabawas ng ilang buwis para sa agarang ginhawa ng mga pinakaapektadong sektor, kabilang ang pagbawas o suspensyon ng VAT sa pangunahing bilihin, gamot, at suplay medikal.
Ipinaliwanag ni Legarda na lahat ng kikitain mula sa mga hakbang na ito ay ilalaan sa espesyal na pondo para sa agarang tugon, subsidiya sa gasolina, proteksyong panlipunan, seguridad sa pagkain, at pagpapanatag ng enerhiya. Ang anumang hindi magamit ay ibabalik sa General Fund matapos ang krisis.
“Iisa lang ang bayan natin. Sa panahon ng krisis, hindi puwedeng may naiiwan at hindi puwedeng iilan lang ang kumikilos. Lahat tayo ay may papel, ang gobyerno, ang pribadong sektor, at ang bawat Pilipino, na mag-ambag ayon sa ating kakayahan dahil hindi natin alam kung hanggang kailan magtatagal ang krisis na ito. Kailangan nating maitawid ang bawat isa sa panahong ito,” ani Legarda.
Bukod sa mga panukala sa buwis, binibigyan ng kapangyarihan ng panukalang batas ang Department of Finance, katuwang ang Department of Energy, na pansamantalang suspindihin o bawasan ang excise tax sa gasolina, diesel, kerosene, at LPG, at pansamantalang suspindihin o gawing zero-rated ang VAT sa produktong petrolyo. Dapat agad makita ang epekto nito sa presyo sa mga gasolinahan, at obligadong magsumite ng ulat ang DOF sa loob ng pitong araw hinggil sa batayan, saklaw, epekto sa pananalapi, at inaasahang epekto sa presyo.
Pinalalakas din ng panukala ang pagbabantay sa merkado at proteksyon sa mamimili. Binibigyan ng kapangyarihan ang Department of Energy na hingin ang kumpletong datos mula sa industriya at magtatag ng National Energy Real-Time Monitoring System upang matukoy ang mapagsamantalang presyo at sabwatan. Inaatasan din ang Energy Regulatory Commission na suriin ang mga singil sa kuryente at ipatupad ang pansamantalang ginhawa para sa konsumer, kabilang ang suspensyon o pagbabago ng mga singil at pagsusuri sa VAT sa mga pass-through items.
May nakapaloob na safeguard ang panukala na nag-oobliga sa lahat ng hakbang sa buwis, kabilang ang wealth tax at windfall levy, na sumailalim sa mabilis na pagsusuri hinggil sa pagiging posible, legal na batayan, konstitusyonal na depensibilidad, praktikal na pagpapatupad, at epekto sa pananalapi bago ipatupad. Inaatasan ang mga ahensya na tapusin ang pagsusuri sa loob ng tatlumpung araw mula sa bisa ng batas.
“Hindi rin puwedeng ang iilang apektadong ahensya lang ang kumikilos. Dapat buong makinarya ng gobyerno ang gumagalaw. May ilang ahensya na ngang nagsisimula nang mag-isip ng kani-kanilang ambag, at kahit walang direktiba, nagpakita na ng agarang pagtulong sa ating mga kababayan. Walang dahilan para hindi ito tularan ng iba pang sangay ng pamahalaan. Ang tanong dito, ahensya, ano ang ambag mo ngayong krisis?,” saad ni Legarda.
“Kaya inoobliga rin ng Bayanihan 3 ang iba’t ibang ahensya na agad aralin ang mga polisiya, ilabas ang datos, at gawin ang lahat ng kinakailangang hakbang upang matukoy kung ano ang legal, makatarungan, at praktikal na maipatutupad. Kailangan mabilis, pero siguradong maayos, para maipalabas natin ang mga polisiyang tunay na makakatulong sa ating mga kababayan,” dagdag ni Legarda.
Ang komprehensibong panukalang ito ay nagtataguyod ng agarang ginhawa at pangmatagalang katatagan, upang matiyak na walang Pilipinong maiiwan sa harap ng pandaigdigang krisis sa langis. Ang Senate Bill No. 2020 ay inihain at tinanggap ng Office of the Secretary noong Abril 6, 2026, sa ika-20 Kongreso, Unang Regular na Sesyon.



