LABIS na ikinabahala ni Sen. Raffy Tulfo ang nangyaring pamamaril sa loob ng San Jose National High School, Tacloban City noong June 22, kung saan tatlong estudyante ang kumpirmadong nasawi habang may iba pang mga sugatan.
Sinabi niya na lumalabas na mayroong pagkukulang dito hindi lamang ang paaralan at magulang na inaasahang gagabay sa kanilang mga anak, bagkus pati ang Department of Education (DepEd).
“Makailang ulit ko nang iminungkahi sa DepEd na agarang tugunan ang dumaraming insidente ng karahasan sa mga paaralan at paigtingin ang seguridad sa mga eskwelahan sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga security guard na may metal detectors upang masigurong maiinspeksyon ang mga gamit ng bawat estudyanteng pumapasok sa school premises.
“Nakalulungkot na tila hindi ito nabigyan ng agarang aksyon. Lumalabas na nagkulang ang DepEd sa pagprotekta sa kaligtasan ng ating mga kabataan dito,” saad niya.
“Agosto 2025 noong una ko itong iminungkahi at halos mag-iisang taon na ay hindi pa rin ito lubusang naipapatupad at patuloy pa rin ang naitatalang school-recorded violence matapos ito. Huwag na sana nating antayin na may masakatan pa at marami pang buhay ang masayang bago tayo umaksyon,” dagdag niya.
Matatandaang noong August 12, 2025 pa lamang ay iminungkahi na ni Sen. Raffy sa Department of Education (DepEd), sa pagdininig ng Senate Committee on Basic Education, ang agarang pag-aksyon sa mga tumitinding karahasan sa mga paaralan.
Ito ay matapos ang magkasunod na shooting incidents na naitala sa loob ng mga paaralan sa parehong buwan, kabilang ang pamamaril ng isang estudyante sa kanyang guro sa Balabagan Trade School, Lanao Del Sur noong Aug. 4, 2025 at pagkasawi ng isang Grade 8 student na binaril ng kanyang dating nobyo na nakapasok sa loob mismo ng kanilang classroom sa Sta. Rosa Integrated School, Nueva Ecija noong Aug. 7, 2025.
Sa nasabing pagdinig, inirekomenda ni Sen. Raffy kay DepEd Usec. Filimon Javier na paigtingin ang security measures sa mga public schools sa pamamagitan ng pagtatalaga ng security guards na may mga metal detectors. Sinang-ayunan naman ito ni Usec. Javier.
Muling tinalakay ni Sen. Raffy ang mga nakakabahalang insidente ng mga karahasan na bunsod naman sa lumalalang problema ng bullying sa mga paaralan, sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education noong Marso 17, 2026. Dito ay inirekomenda niya sa DepEd na paigtingin pa ang implementasyon ng mga hakbang upang mapuksa ang problema sa bullying, at kabilang dito ang mandatory installation ng mga CCTV cameras sa mga classroom at common areas sa paaralan.
Makalipas ang ilang buwan at sa kabila ng pagkakaroon ng DepEd Memorandum Order no. 90 S 2025, patuloy pa ring dumarami ang mga insidente ng karahasan sa loob ng mga paaralan, at tila hindi pa rin naipapatupad ang kanyang mga mungkahi na makakatulong sana upang maiwasan ang krimen sa mga paaralan at mapadali ang pagkalap ng mga ebidenysa.
Dahil dito, agad tinawagan ni Sen. Raffy si DepEd Sec. Sonny Angara noong, June 22, upang mag-follow-up at alamin ang mga hakbang na ginagawa ng DepEd kaugnay ng bagong insidente ng karahasan sa eskwelahan.
Ayon kay Sec. Angara, base sa paunang imbestigasyon, nakumpirma niyang walang bakod ang nasabing paaralan sa Tacloban. Bagama’t may security guards, nakapasok pa rin ang dalawang armadong estudyante sa pamamagitan ng likurang bahagi ng paaralan.
Ibinahagi rin ni Sec. Angara na kamakailan ay nagkaroon din ng insidente ng pananaksak sa isang paaralan sa Cavite, kung saan nakapuslit din ang suspek dahil wala ring bakod ang naturang eskwelahan.
Sinabi ni Sec. Angara na makikipag-ugnayan ang DepEd sa mga Local Government Units (LGU) upang magamit ang Special Education Fund (SEF) sa pagpapagawa ng mga bakod sa mga public schools na nasasakupan ng mga ito, gayundin sa pagbili na ng metal detectors para ma-improve ang seguridad ng bawat paaralan.
Maliban dito, iminungkahi rin ni Sen. Raffy kay Sec. Angara na tiyakin na ang lahat ng public schools ay malaanan ng sapat na security guards at CCTV cameras sa pamamagitan ng kanilang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE), na sinang-ayunan naman ni Sec. Angara.
Nauna nang naghain si Sen. Raffy ng Senate Bill No. 441 o “An Act Expanding the Coverage of R.A. 10627, otherwise known as the Anti-Bullying Act of 2013” at kasama dito ang layong imandato ang paglalagay ng CCTV cameras sa loob ng mga paaralan na magagamit sa pagiimbestiga ng school-related violence at magpapalakas din sa anti-bullying policies ng mga eskwelahan na isa rin sa sanhi ng mga karahasan.

