29.5 C
Manila
Lunes, Hunyo 15, 2026

CORRUPTIONary ni Lacson, nadagdagan; ‘Accreditation for Sale’ ipinaliwanag

- Advertisement -
- Advertisement -

PATULOY na lumalaki ang CORRUPTIONary ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson — o  ang talaan ng mga katiwalian kaugnay ng iskandalo sa flood control projects.

Noong Miyerkules, nagdagdag si Lacson ng bagong termino sa CORRUPTIONary: “Sahod,” o ang sabwatan ng mga kontratista na sumasali sa “scripted” na bidding para sa mga proyekto sa imprastruktura.

Mga graphics mula sa official Facebook page ni Sen Ping Lacson

“Ito ang collusion ng contractors na sumasama sa bidding. Alam nilang talo sa bidding, sasahod sila, babayaran sila para matalo para maging legit ang bidding. Kailangan may kasamang iba pero kasama sa gastos yan,” ani Lacson sa interpellation ng kanyang privilege speech ukol sa flood control projects.

Nauna nang inilista ni Lacson ang mga terminong kabilang sa CORRUPTIONary, kabilang ang:

* Distinct: Maramihang budget items na makikita sa General Appropriations Act na may parehong halaga ng kontrata
* Funders: Mga pulitikong proponent ng proyekto na kumukuha ng 20 hanggang 25 porsyento ng halaga ng proyekto
* Passing Through/Parking Fee: Ang “royalty” para sa mga pulitikong may kontrol sa distrito kung saan ipatutupad ang proyekto, na umaabot ng 5 hanggang 6% ng halaga ng proyekto
* Reseta: 2-3% kickback ng District Engineering Office. Ito ang “sobra” mula sa tubo ng kontratista

Itinulak din ni Lacson ang pagrepaso sa batas na lumikha sa Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB), matapos matuklasan na ang implementing board ng Construction Industry Authority of the Philippines (CIAP), na nasa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI), ay sangkot sa iregularidad. Tinutukoy niya ang impormasyon na nagsasabing mayroong “accreditation for sale” sa PCAB.

“I talked to some private contractors, they had this experience … Sila na ang bahala sa bank certificate and other requirements, for a fee of P2 million for the first time,” ani Lacson.

Sa kanyang interpellation, binanggit ni Senate minority leader Vicente Sotto III na isang kontratista na sangkot sa ghost project sa Bulacan na ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nabigyan pa rin ng renewal ng PCAB license mula 2025 hanggang 2027, kaya’t nakasali sa malalaking proyekto ng pamahalaan. “How can this happen?” aniya.

“It is the PCAB that issues accreditation even to agencies na nabanggit ni Sen. Sotto na may kaso sa Court of Tax Appeals, i-renew pa ang accreditation. Single A ang accreditation bibigyan ng malaking project,” diin ni Lacson.

Aniya, dapat itong talakayin muli sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa flood control projects, kasama ang PCAB, Department of Public Works and Highways, at iba pang kaugnay na ahensya.

Sumang-ayon si Lacson sa mungkahi ni Sotto na ang blacklisting ng mga tiwaling kontratista ay mula sa isang taon ay gawing tatlo hanggang limang taon. Sang-ayon din siya sa mungkahi ni Sotto na magtakda ng limitasyon sa dami ng government infrastructure projects na maaaring makuha ng isang kontratista.

“I think we should revisit RA 4566 para ma-check itong, anomaly, kailangan update natin ang batas,” tugon ni Lacson.

Hinimok din niya na silipin ang interlocking directorships ng ilang kontratista, matapos makita na ang mga dokumento ng ilang korporasyon ay may magkakatulad na directors.

“This is a practice committed by unscrupulous corporations that deal with government, particularly flood control projects,” aniya.

Higit sa lahat, iginiit ni Lacson na dapat may mas mahigpit na koordinasyon ang mga ahensya ng gobyerno upang labanan ang ganitong uri ng sabwatan. “Dapat check and balance sa halip na collusion,” aniya.

Basahin din sa: https://pinglacson.net/2025/08/27/lacson-adds-sahod-to-corruptionary-of-flood-control-projects-bares-accreditation-for-sale-scheme/
Makinig din sa video: https://www.youtube.com/watch?v=rjt1rVBZ2V8

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -