27.5 C
Manila
Miyerkules, Hulyo 22, 2026

Sustainable Development Goals 101

PAGBUBUO(D)

- Advertisement -
- Advertisement -

BILANG isang komprehensibong development agenda, ang United Nations Sustainable Development Goals (UN SDG) ay may mahalagang papel sa kasalukuyan at hinaharap ng daigdig, mga bansa at mamamayan nito. Sa pangkalahatan, tumutukoy ang 17 sustainable development goals sa pagsusulong ng kaunlaran at kapayapaan para sa mga mamamayan sa buong daigdig sa gabay at pamamagitan ng likas-kayang kamalayan, pamamahala at praktika. Ang mga sumusunod ay ilang tala ng kaalaman at kaisipan ukol sa UN SDG mula sa panlipunan, pampamamahala at pangkomunikasyong pananaw at paninindigan.

  • Kapwa sinasaklaw ng United Nations Sustainable Development Goals ang danas at datos ng mga bansang kabilang sa Global North at Global South. Matingkad na makikita mula rito ang malaking agwat sa pagitan ng dalawang rehiyon.
  • Sa masaklaw na katangian ng UN SDG, mahalagang makita at masuri pareho ang lokal at pandaigdigang dimensyon ng kaunlaran at hindi pagkakapantay-pantay.
  • Kapansin-pansin ang kaugnayan at komplementasyon ng mga layunin sa isa’t isa. Nararapat lamang ito dahil sa masaklaw na bumubuo sa ekosistema at komprehensibong dimensyon ng kaunlaran.
  • Tumutukoy ang pagiging sustenable sa iba’t iba dimensyon kagaya ng pangkabuhayan, panlipunan, pangkalikasan at ang mahigpit na ugnayan ng mga ito.
  • Balewala ang kaunlaran kung nagreresulta ito sa pandarambong ng kalikasan (ecological plunder). Sa katotohanan at sa anumang pamantayan ay hindi ito maituturing na kaunlaran.
  • Isa sa mga salin ng sustainable development ay “likas-kayang kaunlaran.” Mayroon ding salin na “sustenableng kaunlaran” at “sostenibleng pag-unlad.”
  • Mahalagang kapwa matugunan ang kuwantitatibo at kuwalitatibong dimensyon ng UN SDG. Samakatwid, kailangan din na parehong makita at masubaybayan ang quantitative indicators at maging ang qualitative attributes nito. Kaugnay ng huli, may isang Indian delegate na nagtanong sa plenary session ng isang komperensiya sa public administration noong 2002: “Why can’t we measure development with smiles?”
  • Hindi maisasakatuparan ang UN SDG kung walang kaakibat na istruktural, institusyonal at panlipunang transpormasyon. Kaugnayan nito, napakahalaga ng political will (pampolitikang kapasyahan) sa bahagi ng pamunuan at mamamayan.
  • Mahalagang mabigyang-diin din ang malakas na intersektoral na oryentasyon ng UN SDG na sumasaklaw sa pampubliko (government), pampribado (business) at pangboluntaryong sektor (civil society).
  • Alinsunod sa layuning maging demokratiko ang saklaw at proseso, napakakritikal ng papel na dapat gampanan ng lokal na gobyerno (local government) at mga pangmasang organisasyon (mass-based organization) sa pagpapatupad at pagkakamit ng mga layunin ng UN SGD.
  • Mahalagang konsiderasyon sa pagsasakatuparan ng UN SDG ang mga sumusunod: pagpapalawak (broadening), pagpapalalim (deepening), dugtungan (bridging) at pagpapabilis (accelerating). Kapwa mahalaga ang konsiderasyon ng bilis dahil sa time-bound na katangian ng UN SDG 2030. Batid natin na ang mabagal na usad ng pagkakamit ng mga layunin at target ay may matinding implikasyon sa kalikasan at mga komunidad.
  • Ayon sa United Nations, humigit sa 700 milyon ang namumuhay sa matinding kahirapan (extreme poverty). Kinikilala rin ng kasalukuyang UN SDG ang iba’t ibang porma o mukha ng kahirapan. Ito ay maaaring tumukoy sa income poverty, food poverty, water poverty, energy poverty at iba pa. Bilang paglilinaw at pagbibigay-diin, malaki ang pananagutan ng mga korporasyon sa pagkaaksaya ng pagkain, tubig at enerhiya.
  • Konsiderasyon sa pagtukoy at pagbibigay-kahulugan sa karalitaan ang pagkakaiba-iba ng danas batay sa kasarian, edad at empleyo. Kasama ring sinusuri ang pagkakaiba at agwat sa pagitan ng mga pook rural at pook urban.
  • Mahalagang matukoy rin kung may umiiral na mga panlipunang proteksyon at kung may kasapatan ba ang mga ito katulad ng social assistance (halimbawa: cash transfer), social insurance (halimbawa: social security system o SSS) at unemployment benefits.
  • Pangunahing konsiderasyon ang mga batayang serbisyong panlipunan (basic social services) bilang sukatan ng katuparan ng UN SDG. Esensiyal rin ang mga ito bilang instrumento upang labanan at makahulagpos mula sa kahirapan.
  • Tinatanaw rin ng UN SDG ang dugtungan ng ekolohiya, agrikultura, pagkain, nutrisyon at kalusugan bilang holistikong pananaw at paraan upang tiyakin ang kapakanan ng mga mamamayan. Sa tambalan ng mga ito nakasalalay ang food security, food self-reliance at food sustainability. Napakalaga sa mga layuning ito ang pagkalinga sa kalikasan at pagsuporta sa mga lokal na magsasaka at mangingisda.
  • Ang serbisyong pangkalusugan ay inaasahang tinatamasa ng lahat ng edad. Kagaya ng pagtugon sa kahirapan, nakabalangkas ito sa panuntunan na “No one left behind (NOLB).” Sa kontekstong ito, mahalagang matiyak na ang six building blocks of the health system ay magkaroon ng malakas na makakomunidad at makamamamayang oryentasyon. Binubuo ito ng health human resources, health financing, health service delivery, health infrastructures and supplies, health policy and governance at health information and communication.
  • Alinsunod sa maternal, newborn, child health and nutrition (MNCHN), mahalagang isaalang-alang ang kapakanan ng mga ina, bagong silang na sanggol at bata. Magkakadugtong ang kanilang kalusugan dahil primaryang nakasalalay ito sa kanilang ina.
  • Sinasaklaw rin ng UN SDG ang mga problema at pinsalang hatid ng hindi likas-kayang urbanisasyon, transportasyon at imprastraktura. Target ng UN SDG na maiwasan ang mga panganib, pinsala at aksidente na ibubunga nito.
  • Pareho ring binabantayan ang doble hagupit ng nakahahawa (infectious) at di-nakahahawang sakit (non-communicable) upang makontrol ang paglaganap ng mga ito. Kapwa nila pinalalala ang isa’t isa.
  • Dahil sa malaking potensiyal ng edukasyon na idemokratisa ang oportunidad para sa lahat, mahalagang matiyak na hindi ito nagtatangi batay sa heograpiya, sosyo-ekonomikong estado at kasarian.
  • Upang maging kaaya-aya at mabunga ang karanasan sa pagkatuto, inaasahang ang mga paaralan ay may akses sa kuryente, kompyuter at internet. Epektibong paraan din ito upang labanan hindi lamang ang education divide kundi maging ang digital divide.
  • May sapat na akses dapat sa patubig, panlinis at palikuran (water, sanitation and hygiene o WASH) ang mga paaralan para sa mga mag-aaral, guro at kawani nito.
  • Alinsunod sa hustisyang pangkasarian (gender justice), may demokratikong representasyon dapat ang mga kababaihan sa mga institusyon sa pamahalaan. Hindi ito dapat maging pabalat bunga o tokenismo lamang.
  • Kasabay rin dapat na kinokondena at hinahamon ang iba’t ibang porma ng gender-based violence (GBV) kagaya ng domestic violence, rape, incest, female genital mutilation, forced marriage, sexist jokes at iba pa.
  • Upang tugunan ang pangangailangan ng lahat sa elektrisidad, kailangang idemokratisa ang paglikha, transmisyon at distribusyon ng enerhiya. Kasama rito ang pagsusulong ng rural electrification, renewable energy, at energy democracy sa bansa.
  • Kailangang matugunan ang mga sumusunod na mga hindi kanais-nais na katangian ng labor market structure sa Global South ayon kay Michael Todaro: labor informality, low labor participation of women, educated unemployed at youth unemployment. Kasama rin dapat maaksyonan ang occupational health and safety (OHS) ng mga manggagawa sa iba’t ibang industriya.
  • Bukod sa mahalagang papel sa ekonomiya, bigyang halaga ang hanap-buhay bilang kritikal na elemento ng integridad at pagkatao ng isang indibidwal.
  • Payabungin ang ekonomiya at palawakin ang oportunidad ng mga mamamayan sa pamamagitan ng likas-kayang imprastraktura, industriyalisasyon at inobasyon. May mataas na multiplier effect sa ekonomiya ang tatlong nabanggit na magkakaugnay na larangan.
  • Kasama ring isinusulong ng UN SDG ang ligtas na komunidad, ligtas na espasyo, ligtas na transportasyon, ligtas na teknolohiya, ligtas na paglalakbay at ligtas na pabahay. Bukod sa pisikal na kaligtasan ay may malaking ambag rin ang mga ito sa kapanatagan ng isip (peace of mind) at kalusugan ng pag-iisip (mental health).
  • Ang ligtas na kapaligiran ay maisusulong sa pamamagitan ng tambalan ng likas-kayang produksyon at pagkonsumo. Kapwa may mahalagang papel rito ang ang producer at consumer sa ekonomiya, lalo na ang una dahil sa scale and scope of operation.
  • Sa pamamagitan ng sustainable resource management ay matutugunan ang lumalaganap na acidification, sedimentation at desertification sa kapaligiran. Ang mga pinsalang ito ay banta sa kalikasan, komunidad at kaunlaran.
  • Malaking bahagi ng UN SDG ay maisasakatuparan sa tulong ng mga pampublikong institusyon na may katapatan at pananagutan sa panunungkulan, lalo na sa usapin ng development financing at development management.
  • Kasama sa pagpapatupad ng mataas na panuntunan ng etika at propesyonalismo sa serbisyo sibil ang paglansag sa istruktura ng katiwalian sa pamamahala. Balakid ang korupsyon at katiwalian sa katuparan ng UN SDG. Sa halip na mapunta sa farm-to-market roads ay mauuwi na lamang sa farm-to-pocket roads ang pondo.
  • Nakasalalay sa demokratikong partisipasyon, intersektoral na pagdedesisyon at pandaigdigang kooperasyon ang tagumpay ng UN SDG. Hinahamon din dapat ang centralized, hegemonic, monolithic, top-down at unidirectional na katangian at tendensiya ng pamunuan, pamamahala at pagpapatupad.
  • Bahagi dapat ng kritikal na ebalwasyon at pagpapanagot ang masusing pagsusuri sa mga puwang (gaps), hindi pagkapansin (oversight), at pagpapabaya (negligence) sa pagpapatupad ng UN SDG.
  • Mahalagang matiyak ang dugtungan ng planet, people, peace, prosperity at partnership sa kabuoang development agenda ng mga bansa at mamamayan nito. Kritikal ang papel ng karapatan at katarungan sa lahat ng nabanggit.
  • Magkakaiba ang kakayahan ng mga bansa sa pagkamit ng mga target ng UN SDG. Mayroon ding umiiral na hindi pagkakapantay-pantay sa antas ng kahandaan (uneven readiness) at kaunlaran (uneven development) ang mga bansa at komunidad kaya magkakaiba rin ang kanilang development trajectory.
  • Kailangang matukoy ang kalakasan at kahinaan ng mga bansa batay sa mga rekursong taglay nito kaugnay ng mga partikular na layunin ng UN SDG. Mahalaga rin ang pagsasakasaysayan upang higit na maunawaan ang economic history, environmental history at (neo)colonial history ng mga bansa at rehiyon.
  • Hindi maikakaila ang pinsalang hatid ng COVID-19 sa higit na pagkaantala ng katuparan ng UN SDG, lalo na sa mga bulnerableng bansa at komunidad.
  • Esensiyal din na masinsing matipon ang best practices sa iba’t ibang larangan, panahon at rehiyon. Sa kontekstong ito ay may mahalagang papel ang advocacy communication at knowledge management. Bilang panimula, maaaring sumangguni sa munting artikulong ito: Information and Knowledge Management 101 – Pinoy Peryodiko.
  • Isaalang-alang tuwina ang mga etikal na konsiderasyon sa pagpupunyaging makamit ang mga layunin at target ng UN SDG upang tiyaking walang mapag-iiwanan at walang nalalabag na karapatang pantao.
  • Gamit ang intersektoral at interseksyonal na pagtingin, mahalagang mabantayan ang karanasan at kalagayan ng mga may kapansanan (persons with disabilities), bakwet (evacuees), nandarayuhan (migrants) at iba pang napagkakaitan ng batayang karapatan.
  • Kapwa dapat sinusuri ang tagumpay gamit ang kuwantitatibo at kuwalitatibong paraan (statistics and stories, numbers and narratives, metrics and meanings).
  • Huwag hayaang maisantabi ang mga batayang usapin ng pangangamkam sa lupain ng mga magsasaka, panghihimasok sa munisipal na katubigan ng mga lokal na mangingisda, at pagtataboy sa pambansang minorya mula sa kanilang mga lupaing ninuno. Kaugnay nito, maaari ring basahin ang artikulong ito ukol sa mga usaping pangkaunlaran: Development Imperatives 101 – Pinoy Peryodiko

Bilang pagbubuo(d), mahalagang mabigyang diin na ang mismong pag-abot sa mga UN SDG ay kailangan ding magkaroon ng likas-kayang katangian. Samakatwid, dapat likas-kayang proseso rin mismo ang mga kaparaanang gagamitin sa pagkakamit ng UN SDG. Magkasabay rin dapat binabaka ang demokratisasyon at dekolonisasyon ng pagbalangkas, pamamahala, pagpapatupad, pagsusuri at pagsisiyasat sa mga layunin at target nito. Lagi ring itanong kung kabahagi ba ang komunidad sa buong proseso at bawat yugto. Pinakamahalaga ay manindigan dapat na hindi kailanman maituturing na sustainable at development-oriented ang anumang adhikain kung hindi bahagi ang kalikasan at mamamayan sa tumbasan at timbangan.

Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa [email protected].

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -