30.2 C
Manila
Sabado, Hunyo 20, 2026

Imee: Panahon na para patatagin ang energy security

- Advertisement -
- Advertisement -

KASABAY ng inaasahang pagtaas ng presyo at panganib sa suplay ng langis dulot ng lumalalang tensyon sa Gitnang Silangan, kinalampag ni Senator Imee Marcos ang pamahalaan na agad umaksyon. “Nakababahala, hindi sapat ang ating mga reserba! Ang LPG hindi aabot ng isang buwan, ang gasolina wala pang dalawang buwan. Dapat may malinaw at konkretong emergency plan para maprotektahan ang ating energy security!” mariing pahayag ng senadora.

“We projected four to five weeks, but we have capability to go far longer than that!” saad ni US President Donald Trump noong Lunes na ang giyera laban sa Iran ay maaaring tumagal nang higit pa sa inaasahan. “Whatever the time is, it’s OK. Whatever it takes,” dagdag pa niya.

“Ang rekomendasyon ng International Energy Agency, dapat may 90 days na reserba, e tayo wala pang dalawang buwan!” dagdag ni Marcos.

Dahil dito, inihain niya ang PS Resolution No. 333 upang suriin ang kahandaan ng bansa laban sa anumang “energy shock.” Matatandaang noong 2022 pa, inihain na rin niya ang SBN 187 (SBN 120 as refiled on 2025) upang bigyan ang Pangulo ng kapangyarihang tanggalin ang VAT sa langis sa panahon ng emergency. “Noon pa, nakita na natin na maaaring mangyari ito,” giit niya. “Hindi dapat kumita ang pamahalaan sa paghihirap ng mamamayan,” dagdag pa niya.

Giit din ni Marcos, imbes na malawakang subsidy o price control na pati mayayaman at malalaking kumpanya ang nakikinabang, dapat direktang ayuda ang ibigay sa mga piling sektor. “Unahin ang transport sector, magsasaka, mangingisda, at maliliit na negosyante. Ito ang tamang gamit ng AICS, hindi sa pulitika,” saad niya.

Solusyon din ng senador ang pagpasok sa long-term supply contracts upang maiwasan ang biglaang pagtaas ng presyo at mapatatag ang energy security ng bansa. “Kung may fixed-price contracts tayo, hindi tayo basta-basta tatamaan ng biglaang pagtaas. Protektado ang mamamayan,” paliwanag niya.

Bilang pangulo ng Asean, kausapin natin ang mga miyembro nating magtulungan sa pag-iimbak at pag-angkat ng langis. Mas mabigat ang boses ng buong rehiyon kaysa magkanya-kanya lamang.

“Hindi dapat magdusa ang mga oil-poor na bansa tulad natin kung may konkretong emergency plan at malinaw na hakbang para sa ating energy security,” pagtatapos ng senador.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -