31.8 C
Manila
Biyernes, Hunyo 19, 2026

P260 M tulong-pangkabuhayan, ipagkakaloob ng DOLE ngayong Araw ng Paggawa

- Advertisement -
- Advertisement -

KASABAY ng pagdiriwang ng Araw ng Paggawa ngayong taon, nakatakdang mamahagi ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mahigit P261.5 milyong halaga ng tulong-pangkabuhayan para sa 11,257 benepisyaryo sa buong bansa.  Sa ilalim ng Kabuhayan Program nito, layunin ng Kagawaran na bigyan ang mga manggagawa na magkaroon ng pangmatagalang pagkakakitaan sa halip na panandaliang ayuda lamang.

Ipamamahagi ang tulong sa pamamagitan ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP), isa sa mga pangunahing programa ng Kagawaran para sa mga manggagawa sa informal at vulnerable sector, at mga organisasyong pangkomunidad na naghahanap ng matatag na kabuhayan.

Sa pagdiriwang ng bansa sa ika-124 Araw ng Paggawa, binibigyang-diin ng inisyatiba ang pagsusumikap ng pamahalaan na hindi lamang tumutugon sa agarang pangangailangang pinansyal kundi upang tulungan din ang mga pamilya na magkaroon ng mas matatag at permanenteng mapagkukunan ng kita.

Ang tulong-pangkabuhayan ay ibinibigay sa pamamagitan ng mga panimulang kagamitan para sa mga proyekto tulad ng sari-sari stores, negokarts, negosyong pang-agrikultura at pag-aalaga ng hayop, pangingisda, at iba pang negosyo sa komunidad na angkop sa lokal na pangangailangan at merkado.


Sa ilalim ng programa, ang mga indibidwal ay maaaring makatanggap ng livelihood starter kit na nagkakahalaga ng hanggang P50,000, habang ang mga grupo o asosasyon ay maaaring pagkalooban ng tulong na aabot sa P3 milyon, depende sa inaprubahang proyekto.

Kabilang sa mga nagtagumpay na benepisyaryo ng DILP ay ang  Hinatuan Seaweed Farmers Fishermen Cooperative, isa sa mga nagwagi sa 2025 DOLE Kabuhayan Awards, na dating umaasa sa mga pansamantalang mapagkakakitaan tulad ng ilegal na pagpuputol ng mga bakawan (mangroves).

“Ngayon, dahil sa pagtatanim ng seaweed (lato/guso), natigil na ang ilegal na pagputol ng mga bakawan,” ayon sa kooperatiba. “Itinuon na ng komunidad ang kanilang pansin sa pagpaparami ng seaweed.”

Sa kasalukuyan, ang Hinatuan Seaweed Farmers Fishermen Cooperative ay nagbibigay ng hanapbuhay sa 107 miyembro ng komunidad, kung saan ang dating hindi matatag at mapanirang gawain sa kalikasan ay naging isang marangal at matatag na kabuhayan para sa mga lokal na pamilya.

- Advertisement -

Ang Kabuhayan Program ay nakatuon sa pangmatagalang pagbangon ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagbibigay-daan sa mga benepisyaryo na magsimula o palawakin ang kanilang mga negosyo na kayang suportahan ang kanilang pamilya ng pangmatagalan .

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga aktibidad sa Araw ng Paggawa at mga kaugnay na serbisyo, maaaring bumisita ang publiko sa pinakamalapit na DOLE regional at field offices sa buong bansa o i-follow ang official social media page ng DOLE para sa mga anunsyo at updates.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -