ANG thesis defense ay mahalagang bahagi ng pag-aaral at pang-akademikong pag-unlad dahil pagkakataon ito para maipresenta ang resulta ng pananaliksik at makakuha ng tugon at rekomendasyon mula sa mga bumubuo ng panel, kapwa iskolar at iba pang sektor. Pagkakataon din ito upang maisapubliko ang pananaliksik at mabigyang linaw ang mga katanungan ukol sa balangkas, metodo, resulta, interpretasyon at implikasyon ng isinagawang pag-aaral. Ang mga sumusunod ay tala ng ilan sa mga katangiang dapat taglayin ng manuskrito at mga katanungan na kailangang paghandaan para sa thesis defense.
- Alinsunod ba ang iyong pananaliksik sa larangan at disiplina kung saan ka nakapaloob?
- Nabigyang-linaw ba kung bakit mo napili ang paksa ng iyong pananaliksik?
- Nabigyang-katwiran ba kung ano ang ambag ng pananaliksik sa larangan at lipunan?
- Sinasalamin ba ng pinal na titulo ang kabuoan ng pananaliksik?
- May empirikal bang katangian ang mga akda na sinaklaw ng literature review?
- May sintesis ba ang seksyon ng literature review?
- Nakabatay ba ang research gap sa matibay na literature review?
- Malinaw bang naisaad ang statement of the problem (o problem statement) upang mabigyang katwiran ang pananaliksik?
- Naisaad ba sa problem statement ang konteksto at saklaw ng pananaliksik?
- Nakaangkla ba sa problem statement ang mga research question?
- Nabibigyan ba ng diin at direksyon ng research question ang pananaliksik?
- Tama ba ang pagkakabalangkas at pagkakasunod-sunod ng mga research question?
- May mga research question ba na maaaring pag-isahin na lamang?
- Nagtatambal ba ang mga research question at research objective?
- Nagtatambal ba ang ontolohiya, epistemolohiya, teleolohiya, axiolohiya, praxeolohiya, teorya at metodolohiya ng iyong pananaliksik?
- Tinataglay ba ng data matrix ang research objective at ang mga kaukulang datos na kakailanganin (data needed), panggagalingan at paghahalawan ng datos (data source) at gagamiting pagsusuri sa datos (data analysis)?
- Sinasalamin ba ng seksyon ng depinisyon ng mga termino ang mga konsepto batay sa konteksto ng pagkakatalakay rito sa pananaliksik?
- Malinaw ba ang paglalahad ng iyong posisyonalidad bilang mananaliksik?
- Ano ang limitasyon at delimitasyon ng iyong pananaliksik at paano mo ito tinugunan?
- Ano ang batayan ng pagpili ng framework?
- Bakit ang framework na ito ang pinili mo at hindi ang iba? Halimbawa, bakit feminist ethics of care ang iyong ginamit sa halip na feminist standpoint theory?
- May sintesis ba ng mga ginamit na angklang teoretikal at konseptuwal?
- Ano ang batayan ng pagpili ng metodo?
- Bakit ang metodong ito ang pinili mo at hindi ang iba? Halimbawa, bakit participatory mapping ang iyong ginamit at hindi key informant interview?
- Anong mga alternatibong framework at metodo ang kabilang sa mga pinagpilian mo? Bakit hindi ang mga ito ang ginamit mo sa pananaliksik?
- Ano ang batayan ng sample recruitment o participant selection?
- Sumunod ba ang pananaliksik sa etikal na pamantayan ng pangangalap at pangangalaga ng datos?
- Sinusuhayan ba ng mga datos at pagbibigay-tibay ang lahat ng iyong pagsusuri, interpretasyon at pahayag?
- Ganap ba ang pagkaunawa sa teorya na gumagabay at mga konseptong nakapaloob sa pananaliksik?
- Maayos ba ang pagkakalatag at presentasyon ng datos?
- May ikinabigla o ikinagulat ka ba sa mga nakalap na datos?
- May hindi ka ba inaasahang lumabas na resulta sa pag-aaral na ito? Paano mo tinugunan ang mga bagay na ito?
- Itinambal mo ba sa resulta ng iyong pananaliksik ang mga naunang pag-aaral na sinaklaw ng iyong literature review?
- Lohikal ba ang daloy ng pagsusulat at gumamit ka ba ng kaukulang signposting para rito?
- May kaukulang subheading ba ang bawat section at subsection upang mas madaling masundan at maunawaan ang akda?
- Ano ang naging limitasyon ng kinalabasang pag-aaral at paano ito matutugunan ng mga susunod na pag-aaral?
- May layunin ba ang pananaliksik na bumuo ng alternatibong model, framework, typology, methodology o theory mula sa datos, pagsusuri at interpretasyon?
- Sinasagot ba ng konklusyon ang mga kaukulang research question?
- Nakabatay ba ang implikasyon at rekomendasyon sa datos, pagsusuri at interpretasyon ng pananaliksik?
- Nakabalangkas ba ang implikasyon ng pag-aaral sa mga sumusunod na kategorya: research implication, policy implication at practical implication.
- Sinasalamin ba ng abstrakto ang layunin, balangkas, resulta at pagsusuri ng pananaliksik?
- Tama at maayos ba ang mga citation at bibliographic entry?
- Mayroon bang bagong ambag ang pananaliksik sa literatura at larangan?
- Ano ang mga hamon na kinaharap mo sa buong proseso ng pananaliksik at paano mo ito tinugunan?
- Paano mo tiniyak ang integridad ng buong pananaliksik?
- Na-review (o narepaso) mo ba mabuti ang iyong pananaliksik bago ang mismong thesis defense?
- May naihanda bang slide deck katambal ng mismong manuskrito?
- Lohikal ba ang daloy ng iyong slide presentation?
- Na-ensayo mo bang mabuti ang presentasyon?
- Sinubukan mo bang i-antisipa at ilista ang maaaring itanong ng thesis panel?
- Paano mo pinaghahandaan ang pagtugon sa maaaring itanong sa mismong araw ng thesis defense?
- May sapat ka bang pahinga bago sumabak sa thesis defense?
- May layunin ka bang isapubliko at ilathala ang pag-aaral?
- Saang komperensiya mo ito balak ipresenta at saang publikasyon mo ito nais ilathala?
Bilang pagbubuo(d), mahalagang mapaghandaan nang lubos ang thesis defense upang malinaw at epektibong maipresenta ang naging resulta ng pag-aaral. Dapat ding taglayin ang bukas na kaisipan at kababaang-loob upang tumanggap ng constructive feedback mula sa panel at publiko tungo sa higit na ikahuhusay at ikapupulido ng pananaliksik. Isaisip din na ang thesis defense ay isang dahilan ng selebrasyon dahil napagtagumpayan mong marating ang bahagi ito – isang yugto ng higit na mataas na antas ng talastasan, talaban at transpormasyon.
Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaaring umugnay sa pamamagitan nito: [email protected].

