26.1 C
Manila
Lunes, Oktubre 7, 2024

Mga mananaliksik ng UP sinisiyasat ang lebel ng E. coli sa mga gulay galing sa urban farm

- Advertisement -
- Advertisement -

Isinulat ni Eunice Jean C. Patron

ANG Escherichia coli (E. coli) ay isang uri ng bakterya na matatagpuan sa dumi ng tao at hayop. Madalas rin itong napupunta sa mga anyong-tubig tulad ng mga sapa. Bagama’t karamihan sa mga strain ng E. coli ay hindi nakasasama, ang ilan ay maaaring magdulot ng mga sakit gaya ng gastroenteritis, typhoid fever, at dysentery. Ang dumi ay pangunahing pinagmumulan ng kontaminasyong mikrobyo sa mga sariwang produkto. Dahil sa paglago ng urban farming sa Pilipinas sa panahon ng pandemya ng Covid-19, mahalagang suriin ang mga sariwang produkto mula sa mga urban farm upang agad na makita at matugunan ang mga isyu sa kaligtasan ng pagkain.

Ang mga siyentipiko mula sa University of the Philippines – Diliman College of Science (UPD-CS), sa tulong ng Department of Agriculture – Bureau of Agricultural Research (DA-BAR), ay nagsiyasat ng mga gulay mula sa mga palengke at urban farm sa Metro Manila sa kasagsagan ng pandemya upang matukoy at masukat ang presensya ng E. coli.

Ang mga mananaliksik ay nangongolekta ng mga sample ng mustasa (Brassica juncea) sa New Greenland Farm sa Bagong Silangan, Lungsod Quezon. (Larawan mula sa The Research Team)

Sina Dr. Pierangeli Vital, Donnabel Sena, Czarina Jay Catapat, at Ma. Christine Jasmine Sabio mula sa UPD-CS Natural Sciences Research Institute (UPD-CS NSRI), kasama si Dr. Windell Rivera ng UPD-CS Institute of Biology (UPD-CS IB), ay nakalikom ng 419 na sample ng gulay mula sa tatlong urban farm at apat na pangunahing palengke sa Metro Manila. Natuklasan ng grupo ang presensya ng E. coli sa 13.60% ng lahat ng sample. Ang presensya ng E. coli sa mga sample mula sa urban farm ay mas mataas kumpara sa mga sample mula sa palengke.

Ayon kay Dr. Vital, ang mataas na lebel ng E. coli sa mga sample mula sa urban farm ay maaaring maiugnay sa iba’t ibang dahilan, tulad ng kawalan ng masusing pagpoproseso pagkatapos ng anihan, hindi katulad ng mga sample mula sa palengke. “Batay sa aming obserbasyon sa mga urban farm, kadalasan silang gumagamit ng tubig-ulan, tubig sa lawa, at tubig-balon para sa irigasyon para makatipid, ngunit pinapataas nito ang panganib ng kontaminasyon ng bakterya,” aniya.

Ang mga hayop gaya ng aso, pusa, at manok na madalas na gumagala sa mga urban farm, ay nagpapataas ng panganib ng kontaminasyong mikrobyo sa tubig-irigasyon at sa lupa kung saan tumutubo ang mga gulay. Tinuturi ng mga mananaliksik ang mga ito bilang mga bahagi na maaaring mapabuti sa pag-unlad ng mga gawi sa urban farming.

“Ito at ang aming mga nakaraang pananaliksik sa kaligtasan ng pagkain mula sa agrikultura ay ginamit sa paglikha at pagpapatupad ng Philippine National Standards (PNS) para sa kaligtasan ng pagkain bago at pagkatapos ng anihan sa agrikultura, na pinangunahan ng DA – Bureau of Agriculture and Fisheries Standards (DA-BAFS),” pagbabahagi ni Dr. Vital.

Inihayag ng mga mananaliksik sa kanilang papel na ang mga resulta ay maaaring magbigay ng batayan para sa pag-regulate, pagkontrol, at pag-aalis ng kontaminasyon ng pathogen sa mga sariwang produkto upang matulungan ang mga gumagawa ng patakaran na magpatupad ng mga regulasyon na nagtitiyak ng kaligtasan ng pagkain. Gayunpaman, binanggit ni Dr. Vital na ang pag-iwas sa mga sakit na dulot ng pagkain gaya ng E. coli ay maaaring gawin ng mga Pilipino sa kanilang mga tahanan.

“Dapat isagawa ang tamang paghawak at pagluluto sa bahay, gaya ng mga simpleng hakbang tulad ng maingat na paghuhugas ng kamay at mga gamit sa kusina, pati na ang pagdidisimpekta ng ibabaw ng mesa kapag naghahanda ng pagkain, paggamit ng malinis na tubig sa paghuhugas ng mga gulay, epektibong paghihiwalay ng lutong pagkain sa hilaw, at wastong pag-iimbak ng pagkain,” dagdag ni Dr. Vital. “Ang pagsunod sa mga simpleng hakbang na ito ay makakatulong nang malaki upang mabawasan ang panganib ng pagkakaroon ng sakit na dulot ng kontaminadong pagkain sa tahanan at sa komunidad.”

Plano nilang magsagawa ng mas malawakang pagsubaybay sa mga kaugnay na pathogen na nakukuha sa pagkain at isagawa ang pag-aaral sa pambansang antas, bukod pa sa pagsisiyasat ng antimicrobial resistance ng bakterya. Ang mga hakbang na ito ay magbibigay ng mahahalagang datos para sa pagsusuri ng mga trend sa kaligtasan ng pagkain mula sa mikrobyo sa Pilipinas.

Ang papel na may pamagat na “Thermotolerant Escherichia coli contamination in vegetables from selected urban farms and wet markets in metro Manila, Philippines at the height of COVID-19 pandemic,” ay nalathala sa Asia-Pacific Journal of Science and Technology, isang peer-reviewed na journal na sumasaklaw sa mga larangan ng pananaliksik tulad ng engineering, agricultural sciences, technology, at health sciences.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -