NALALAPIT na naman ang halalan, kaya naman puspusan na ang pagsasagawa ng voters education ng Commission on Election (Comelec) sa iba’t-ibang sector upang ipabatid ang mga dapat isa-alang-alang sa pagboto at kung gaano kasagrado ang kanilang mga boto.
Ayon kay Atty. Ederlino Tabilas, regional director, isinasabay narin nila ang demonstration sa paggamit ng Automated Counting Machine (ACM) na siyang gagamitin sa May 12, 2025 elections partikular sa mga Indigenous Communities sa Nueva Vizcaya, Isabela at Quirino.
“Meron na tayong isinagawang voter education at napakadami pong dumalo. Nagbigay na po kami ng ideas tungkol sa bago nating gagamiting makina and then yung importansiya ng elections at yung importansiya ng bawat isa para sumali sa election,” ani Tabilas.
Pinawi rin ni Tabilas ang pangamba ng karamihan na mahirap gamitin ang Automated Counting Machine.
“Gusto lang po nating ipaalala sa mga kapatid nating mga IP na ito’y napakadaling gamitin kaya huwag pong mag-alala. Based sa response ng audience natin na may actual at personal experience of inserting ballots into the machine ay wala namang naencounter na problema,” dagdag ni Tabilas.
Muli ring pinaalalahanan ng Co ang taungbayan na huwag ipagbili ang kanilang boto.
Ayon kay Direktor Tabilas, ang karapatan sa pagboto ay may kaakibat na kalayaan sa pagpili, “We condemn vote buying. We acknowledge that vote buying is one of the violent events of democracy or elections,” dagdag nito.
Nanawagan din ito sa mga kandidato na sana huwag samanatalahin ang kahinaan ng mga mamamayan lalo na ang mga nasa marginalized sector. (OTB/PIA Region 2)