26.8 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Fighting Poverty 101

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG kahirapan ay mapanghamon, komplikado at may iba’t ibang mukha.  May mga pagkakapare-pareho ang mga manipestasyon nito sa ilang katangian pero maaari ring magkaiba-iba sa karanasan at konteksto. Kung gayon, maaaring gumamit ng pangkalahatang dulog sa pagsupil ng kahirapan pero inaasahang magtataglay rin ito ng baryasyon sa pagbalangkas at pagpapatupad kung kinakailangan. Ang mga sumusunod ay tala ng ilang gabay at rekomendasyon upang labanan ang kahirapan bilang problemang panlipunan na kapwa kumikilala sa pagkakapare-pareho at pagkakaiba-iba ng kasaysayan at karanasan.

  • Ikonsidera at bigyang-pansin ang iba’t ibang dimensyon o mukha ng kahirapan (halimbawa: income poverty, food poverty, water poverty, fuel poverty, educational poverty, information poverty, relational poverty, period poverty, psychological poverty at iba pa). Kadalasan ay nagtatambal-tambal ang marami sa mga ito na nagpapasahol sa sitwasyon.
  • Unawain at imapa ang dugtungan ng mga problemang pangkaunlaran at kung paano nila pinalalala ang isa’t isa (halimbawa: kahirapan, disempleyo, dislokasyon, kalamidad, katiwalian at iba pa).
  • Imapa ang ugnayan ng mga lokal, pambansa at pandaigdigang problema na puno’t dulo ng kahirapan. Kabilang sa mga pandaigdigang suliranin ang global poverty, foreign debt, trade deficit, corporate-led globalization, forced migration, transnational crimes at iba pa.
  • Tukuyin at imapa rin ang iba’t ibang risk na kinakaharap ng maralita (unemployment risk, financial risk, social risk, crime risk, health risk, environmental risk, climate risk, disaster risk at iba pa).
  • Palakasin ang kapasidad ng mga mamamayan na harapin, labanan at maiwasan ang mga economic shock at complex emergency.
  • Unawain na kapwa mahalaga ang economic growth at economic justice sa paglaban sa kahirapan.
  • Paunlarin ang human resources sa pamamagitan ng pagtiyak sa likas-kayang akses sa mataas na kalidad ng batayang serbisyong panlipunan (halimbawa: edukasyon, kalusugan, pabahay at iba pa).
  • Unawain ang heyograpikal na katangian ng lugar at alamin ang implikasyon nito sa kaunlaran katambal ang iba pang salik at konsiderasyon. Materyal na kondisyon ang heyograpiya at may direktang kaugnayan ito sa ekonomiya at likas na yaman subalit ito ay sinusuri dapat nang may pagsasaalang-alang din sa pampolitikang ekonomiya ng bansa.
  • Iwaksi ang mga modelo ng kaunlaran na nakatutok lamang sa mga pangunahing rehiyon, kabisera, sentrong bayan o poblasyon. Huwag isantabi ang mga geographically isolated and disadvantaged areas (GIDA) sa mga proyektong pangkaunlaran at programa kontra-kahirapan.
  • Tiyakin ang pagbibigay ng maayos na water, sanitation and hygiene (WASH) sa mga mamamayan. Matindi ang epekto ng water poverty sa kalusugan at dignidad ng mga pinagkaitan. May kaukulang pag-aaral kaugnay nito si G. Jap Matthew Ison, nagtapos ng kursong Development Studies, ukol sa hydraulic citizenship at infrastructural violence.
  • Tiyakin sa lahat ng pagkakataon na ang conditional at unconditional cash transfers ay tunay at ganap na pinakikinabangan ng mga mahihirap. Sa parametrong ito, kailangang bantayan mabuti ang mga problema ng undercoverage at leakage.
  • Bumuo ng isang pang-ekonomikong kaayusan na lilikha ng likas-kayang empleyo at kabuhayan para sa mga mamamayan.
  • Tiyaking ginagampanan ng pamahalaan ang papel nito sa pagtiyak ng nakabubuhay na sahod, seguridad sa empleyo at karapatang makapag-organisa ang mga manggagawa.
  • Tipunin at suriin ang poverty statistics (quantitative) at poverty narratives (qualitative) upang higit na maunawaan at mas epektibong matugunan ang penomenon ng kahirapan.
  • Tiyakin na gender-, age- at region-disaggregated ang datos na ginagamit upang mas tumutugon ang patakaran, plano, programa at proyekto kontra-kahirapan.
  • Gawing integratibo ang paglaban sa kahirapan sa pamamagitan ng salimbayan ng pamahalaan, pribadong sektor at panlipunang sibil.
  • Isulong ang kaunlaran na nakabatay sa katarungan at kapayapaan.
  • Kilalanin ang political agency, political autonomy at political efficacy ng mga batayang sektor alinsunod sa layuning maisulong nila ang bersyon ng kaunlaran na nakabatay sa sariling pagpapasya (self-determination).
  • Lumikha ng mapayapang kapaligiran na titiyak sa ligtas na buhay at kabuhayan para sa mga magsasaka, mangingisda, katutubo, manggagawa at semi-proletariat.
  • Tutukan ang iba’t ibang sektor sa lipunan at tiyaking walang naiiwan at nababalewala kagaya ng mga kabataan, kababaihan, LGBTQIA+, may edad, mahihirap na pamilya, biktima ng kalamidad, bilanggo, bakwet (evacuees) at iba pa.
  • Hamunin din ang ating mga mali at baluktot na pag-unawa at pagsasalarawan ukol sa kahirapan at laban sa mga maralita. Bilang panimula, maaari ring sumangguni sa babasahing ito ukol sa poverty communication at poverty journalism: https://www.pinoyperyodiko.com/2025/12/02/dagdag-kaalaman/communicating-poverty-101/17998/
  • Tandaan na walang kaunlaran na maituturing kung patriyarkal ang balangkas ng programang pang-ekonomiya at pang-administratibo.
  • Kilalanin ang mahalagang papel at mahusay na gampanin ng mga kababaihan sa pamamahala ng kalikasan para mapaunlad ang komunidad at kabuhayan. Huwag kalimutan na ang laban ng kababaihan at laban para sa kalikasan ay magkadugtong.
  • Kilalanin din ang sentral papel ng mga kababaihan kontra-kahirapan lalo na sa tuwirang pagpapatagos nila ng ganansiya at kita sa kanilang pamilya at komunidad.
  • Palakasin ang solidaridad sa pagitan ng mga mamamayan at komunidad. Sa anumang konteksto, nasa pagkakaisa ang lakas.
  • Paunlarin ang mga alternatibong sistemang pampinansiya na magbibigay ng demokratikong akses sa mga mamamayan sa pondo at puhunang pangkabuhayan.
  • Hamunin ang patron-client relation na nagpapalaganap ng kultura ng pagiging palaasa ng mahihirap at nagpapanatili ng hindi pantay na relasyon sa kapangyarihan. Sinisikil nito ang pampolitikang ahensiya ng mamamayan. Wika nga ng development economist na si Michael Todaro, “the corollary of dominance is dependence.”
  • Tiyaking pinaglalaanan ang mga magsasaka ng kaukulang atensyon at suporta upang magkaroon ng sariling lupa, masustentuhan sa mga kinakailangang agricultural input at magtamasa ng demokratikong akses sa credit facilities, quality seeds, irrigation services, mechanical dryers, storage facilities, farm-to-market roads (FMR) at iba pang agricultural extension services.
  • Suportahan ang mga mamamayan upang magkaroon ng hindi lamang iisang income stream.
  • Bigyan ng sapat na kaalaman at pagsasanay ang mga mamamayan sa pamamagitan ng formal, nonformal at informal education.
  • Paunlarin ang financial literacy ng mga mamamayan na dapat ay nakaangkla sa masasandigang empleyo at kabuhayan. Kailangang magkadugtong ang economic security at financial literacy.

Bilang pagbubuo(d), mahalagang bigyang-diin na ang paglaban sa kahirapan ay isang pampolitikang ekonomiyang usapin at hamon. Ito ay may ganitong katangian dahil kinakapalooban ito ng pagdedesisyon at paninindigan kaugnay ng alokasyon at distribusyon ng rekurso.  Ito rin ay ideyolohikal dahil ang patakaran at kampanya laban sa kahirapan ay naiimpluwensiyahan ng banggaan sa pagitan ng nananaig at alternatibong paradigma, diskurso at naratibo ukol sa kahirapan, eksklusyon at hindi pagkakapantay-pantay. Samakatwid, ang laban sa kahirapan ay isang dialektikal na prosesong sumasaklaw sa stock-taking, position-taking at action-taking.

Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa pamamagitan nito: [email protected].

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -