SA larangan ng komunikasyong pang-edukasyon at pampagsasanay, ang training manual ay maituturing na isa sa mga epektibong paraan upang higit na maunawaan at maihanda ang mga mag-aaral at/o magsasanay sa pagkakakilanlan (organizational identity), pamantayan (organizational standards), at kaparaanan (organizational processes) ng institusyon. Nakabubuo at nakalilinang din ito ng tiwala sa sarili at sa isa’t isa upang ang mga bagong kawani ay mahasa sa gawain at gampanin nila sa organisasyon. Ang mga sumusunod ay ilang tala ng gabay at paalala ukol sa pagpapakahulugan at pagbuo ng training manual.
- Gamitin ang training manual bilang isa sa mga paraan ng pagbibigay ng oryentasyon sa mga bagong miyembro ng organisasyon.
- Pakatandaan na hindi nagsisimula at natatapos ang lahat sa oryentasyon at onboarding dahil dapat sinusundan pa ito ng mga karagdagang pagsasanay at paglilinang.
- Saklawin ang mga mahahalagang kaalaman ukol sa institusyon batay sa mga sumusunod na katangian nito: organizational structure, organizational process at organizational culture.
- Ituring ang pagbuo at paggamit ng training manual bilang esensiyal na bahagi ng adult learning tungo sa hangaring umunlad ang indibidwal at institusyon. Bilang lunsaran maaaring dumulog sa panimulang babasahing ito: Adult Learning 101 – Pinoy Peryodiko.
- Bigyang-diin at bigyang-kahulugan sa pamamagitan ng training manual ang umiiral na kultura, tradisyon at pagpapahalaga sa opisina, organisasyon at larangan.
- Tukuyin kung ang partikular na layunin sa pagbalangkas ng training manual ay upang bumuo ng employee handbook, task manual, production manual, project manual, troubleshooting manual at iba pa.
- Paunlarin ang kaalaman at kasanayan ng mga kawani sa pamamagitan ng training manual upang patuloy silang umunlad sa kani-kanilang larangan sa gitna ng nagbabagong teknolohiya, ekolohiya at kultura. Bukod sa kahalagahan ng training manual sa pagtuturo ng standard operating procedures (SOP) ay may malaking ambag din ito sa change management.
- Ihanda ang mga kawani sa patuloy na nagbabagong larga ng larangan at lipunan. Kabilang sa pagbabagong ito ang pampolitika (P), pang-ekonomiya (E), pansosyal (S), pangteknolohikal (T), pang-ekolohikal (E), panglegal (L) at pang-etikal (E) na dimensyon at konsiderasyon (o PESTELE).
- Tugunan ang adhikain at pangangailangan ng mga kawani na patuloy na umunlad ang kaalaman (know what) at kasanayan (know how) alinsunod sa isinagawang training needs analysis (TNA) kasama sila. Sa pamamagitan nito ay higit na nagiging mabilis ang pag-angkop ng mga bagong kawani at mas napananatili ang mga matagal na sa serbisyo. Bilang panimulang babasahin ukol sa training needs analysis, maaaring tingnan ang munting artikulong ito: Training Needs Analysis 101 – Pinoy Peryodiko
- Ipaloob sa pagsasanay ang mga bago pero angkop na paradigma, patakaran, plano, modelo, kaalaman, kasanayan, proseso, programa, proyekto, kaparaanan at teknolohiya sa larangan. Kasamang sinasaklaw sa serye ng pagsasanay at kaukulang training manuals ang tumbasan at tambalan ng mga elementong nabanggit.
- Gamiting kasangkapan ang training manual upang maihanda ang kalooban at mapalakas ang tiwala ng mga kawani sa sarili at sa organisasyon. Bahagi ang mga oryentasyon at pagsasanay sa trust-building process sa loob ng institusyon.
- Ipaloob ang mga dapat taglaying kaalaman at kasanayan sa bagong teknolohiya. Kabilang rito ang tamang pagpapahalaga (values) at aktitud (attitude) sa partikular na teknolohiya kagaya ng artificial intelligence (halimbawa: generative AI, agentic AI) at immersive technologies (halimbawa: virtual reality, augmented reality, mixed reality, extended reality).
- Tambalan ng larawan at ilustrasyon ang teksto ng training manual upang ito ay mas maging kahali-halina at kapukaw-pukaw sa mga mag-aaral at magsasanay.
- Ikonsidera ang gagamiting pormat para sa training manual at tiyaking magkaroon ang kawani ng pagkakataong matuto sa tatlong paraan: (1) matuto sa mismong manwal, (2) matuto sa mga kapwa nagsasanay at (3) matuto sa tagapagsanay o facilitator.
- Kumuha ng subject matter expert (SME) na bubuo ng training manual. Katuwangin ang human resource department para sa proseso ng pagbuo.
- Tandaan din na ang pagkokonseptuwalisa at pagpapatupad ng training manual ay nakapaloob sa mas malawak na balangkas ng human resource development. Bilang panimula, maaaring gawing batayan ang artikulong ito: Human Resource Development 101 – Pinoy Peryodiko
- Ibalangkas ang training manual sa paraang maaaring magamit sa pamamagitan ng parehong synchronous at asynchronous mode of delivery.
- Pagdesisyunan kung pisikal, dihital o sa parehong pormat ang bubuoing training manual.
- Subukan ding bumuo ng training manual sa porma ng PDF, audio format at video tutorial. Maaaring tipak-tipakin din ito sa mas maliliit na bahagi para higit na madaling matutunan at maabsorba ng mga mag-aaral at magsasanay.
- Patuloy na paunlarin ang training manual para salaminin ang nagbabagong katangian ng industriya, sektor, larangan, komunidad at lipunan.
- Isapraktika ang pagbuo ng training manual sa mga makabuluhang larangan katulad ng pagpapaunlad ng workflow management sa opisina, pagpapalaganap ng gender competence sa pagtuturo at pananaliksik, pagsusulong ng inobasyon sa larangan at iba pa.
- Tukuyin kung para sa anong departamento, sektor at grupo ipapagamit ang training manual. I-angkop ang lebel at lenggwahe batay sa pangangailangan at hinihingi ng pagkakataon.
- Tandaang mahalaga rin ang training manual sa mga datihang kawani upang magrepaso ng mga batayang patakaran at proseso (refresher and reviewer), maging malay sa mga pagbabago sa inaasahang kaalaman at kasanayan (update and upgrade) at mapagtibay ang prinsipyo at paninindigan (reaffirmation and reconfirmation).
- Tiyaking lohikal ang daloy ng training manual upang mas madaling maunawaan at huwag mawala sa patas ang pagsasanay.
- Ibalangkas ang training manual sa antas na mauunawaan ng mga tagabasa/tagapakinig/tagapanood sa pamamagitan ng paglilinaw sa mga batayang konsepto at prinsipyo.
- Ipaunawa sa mga kawani ang mandato ng tanggapan, ekspektasyon sa mga empleyado, etika at propesyonalismo sa larangan, karapatan ng mga manggagawa at panlipunang pananagutan ng organisasyon.
- Gawing pagkakataon ang training manual upang maiwasan ang mga mabibigat at mapaminsalang pagkakamali sa pagdedesisyon at operasyon sa hinaharap. Sa pamamagitan ng mga case study ay maaantisipa, maiiwasan at/o matutugunan ang mga aberya at alalahanin.
- Tandaan na hindi lamang pagiging episyente at epektibo ang tanging konsiderasyon sa isasagawang paghahanda para sa mga kawani kundi maging ang pagiging etikal, makatarungan at makakapwa rin.
- Ipaunawa sa kawani lalo na sa pampribadong sektor na salimbayan dapat ng people (social equity), planet (ecological sustainability) at profit (financial viability) ang konsiderasyon sa layunin ng pagsasanay at hindi tanging kita o tubo lamang.
- Tuwinang tingnan ang socio-scientific, socio-technological at socio-technical na dimensyon ng teknolohikal na inobasyon nang sa gayon ay hindi teknikal at teknokratiko lamang ang magiging tanging diin at konsiderasyon.
- Ipaunawa sa training manual ang mandato at layunin ng tanggapan at organisasyon. Kasamang linawin ang inaasahang time horizon bilang konsiderasyon (short-term, medium-term at/o long-term).
- Linawin sa training manual ang magiging saklaw at hangganan ng pagsasanay.
- Isaad din ang ekspektasyon mula sa mga magiging kabahagi.
- Ilahad ang istruktura, lohika, balangkas at daloy ng training manual. Tandaan na kapwa mahalaga ang nilalaman (sense and substance) at pormat (structure, platform and delivery).
- Ibalangkas sa kaukulang section at subsection at lagyan ng karampatang heading at subheading ang training manual upang maging organisado ang paglalahad.
- Ibalangkas ang daloy sa tamang progresyon mula sa pagiging payak (simple) tungong pagiging komplikado (complex) upang hindi mabigla ang mga tagapagsanay at magsasanay.
- Lagyan ng table of content (ToC) ang training manual upang magsilbing gabay sa daloy at mas maging organisado.
- Lumikha ng oportunidad na higit na magamit ng mga kawani ang kanilang mga angking talino, husay, sigasig, dedikasyon at pagkamalikhain sa empleyo upang hindi maging kabagot-bagot ang pagpapaulit-ulit at pagiging mekanikal ng karanasan sa trabaho.
- Linawin din sa training manual ang mga espasyo para sa inobasyon upang bigyang-diin na may puwang at pagkakataon din para sa improbisasyon, pleksibilidad at pagiging malikhain.
- Gawing kapukaw-pukaw ang training manual upang maging kawili-wili rin ang karanasan sa empleyo.
- Gawing pagkakataon ang training manual upang magbukas ng oportunidad sa higit na kaisahan, kooperasyon at kolaborasyon sa pagitan ng mga kawani at departamento.
- Samantalahin din ang pagkakataon upang kilalanin at tugunan ang mga ugat ng kontradiksyon sa konseptuwalisasyon ng mga isasagawang pagsasanay sa hinaharap.
- Ituring ang training manual bilang isang living document na patuloy na umuunlad upang maipaloob ang mga dagdag na kaalaman at konsiderasyon batay sa nagbabagong kondisyon at pangangailangan. Samakatwid, kapwa may marami at matagal na pakinabang ang training manual sa organisasyon dahil sa umuunlad at tumutugong katangian nito.
- Pahalagahan ang training manual bilang living document na nagpapatibay ng transparency at accountability ng pamunuan sa buong organisasyon.
- Humingi ng feedback, puna at rekomendasyon sa mga facilitator at end-user ng training manual upang higit itong mapaunlad sa pagdaan ng panahon.
- Isaisip ang mahalagang papel ng training manual (explicit knowledge) bilang katambal na resukso ng institutional memory ng mga kawani (tacit knowledge) para sa layuning higit na mapaunlad ang knowledge management ng institusyon. Maaaring sumangguni sa artikulong ito bilang panimula: Information and Knowledge Management 101 – Pinoy Peryodiko
- Gawing demokratiko ang kultura at proseso sa pamamagitan ng pagpaalam at pagbibigay ng pagkakataon sa lahat na maging bahagi ng tuloy-tuloy na pagsasanay. Sa kontekstong ito ay napakahalaga ng maagap na anunsyo at mahusay na koordinasyon.
- Huwag gawing one-time, big-time lamang ang pagsasanay. Sa halip ay gawin itong likas-kaya (sustainable) sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na paglilinang ng kaalaman at kasanayan sa pare-parehong usapin ng saklaw (breadth), lalim (depth) at dugtungan (nexus).
- Bigyang-diin sa training manual ang ugnayan ng personal, professional, organizational, sectoral at societal development.
- Ituring ang training manual at ang mismong isasagawang pagsasanay bilang pagkakataon na higit na mapaunlad ang sarili at ang umiiral na sistema at kalakaran.
- Isaisip ang mahalagang papel ng training manual sa dokumentasyon at pagpapatibay ng adhikain ng organisasyon. Nagsisilbi rin itong maasahang instructional material, balangkas at daloy ng isasagawang pagsasanay.
- Tiyakin na sinasalamin ng training manual ang pagpapahalaga ng organisasyon sa mga kawani, mismong institusyon at mas malawak na komunidad kung saan ito nakapaloob.
- Gawing interdisiplinaryo, interpropesyonal at intersektoral ang pagbuo ng training manual upang mas maging masaklaw at demokratiko. Bukod sa subject matter expert, makatutulong kung mayroong mga sociologist, ethicist at gender advocate sa grupo na bumubuo at bumabalangkas nito.
- Gawing demokratiko rin ang ebalwasyon at pagsusuri ng nabuo at ipinapatupad na training manual upang makapagbigay ang bawat panig ng kanilang puna, pagpapatibay at rekomendasyon para sa higit nitong ikabubuti.
Bilang pagbubuo(d), mahalagang maunawaan na ang pag-unlad sa larangan ay nakabatay sa tuloy-tuloy na pagkatuto at pagsasanay. Nagbubukas dapat tuwina ang institusyon ng pagkakataon sa mga kawani na patuloy na malinang ang kanilang kaalaman, kasanayan at pagpapahalaga bilang propesyonal. Maliban sa iba pang inisyatiba at interbensyon, nagpapatibay ang pagkakaroon ng training manual na tayong lahat ay mga lifelong learner na nakapaloob sa isang learning organization.
Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa pamamagitan ng [email protected].

