30.1 C
Manila
Sabado, Hunyo 13, 2026

Sustainable Development Goal 3 (Good Health and Well-Being)

PAGBUBUO(D)

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG sustainable development goal 3 (o SDG 3) ay tumutukoy sa pangkalahatang kalusugan at kaginhawahan na dapat demokratikong tinatamasa ng mga mamamayan at komunidad. Kaugnay nito, mahalagang maunawaan na ang laganap at malubhang pagkakasakit ay parehong sanhi at epekto ng kahirapan, hindi pagkakapantay-pantay, pagiging atrasado ng ekonomiya (poverty and economic underdevelopment) at maling pamamahala. Ang sumusunod ay tala ng mga panawagan at kaparaanan upang ganap na maisulong ang holistikong kalusugan lalo na sa konteksto ng mga papaunlad na bansa kagaya ng Pilipinas.

  • Ikonsidera sa patakaran at planong pangkalusugan ang lahat ng edad upang maging tunay na masaklaw at demokratiko.
  • Saklawin sa programa at proyektong pangkalusugan ang kababaihan, matatanda, dalaga’t binata, sanggol at bata alinsunod sa panawagang health for all (HFA).
  • Hamigin ang suporta at pagtibayin ang komitment ng pampubliko at pampribadong sektor sa SDG 3 upang maging salimbayan at mapanlahok ang pagkilos. Bilang lunsaran, unawain ang health policy and process sa pamamagitan ng artikulong ito: Health Policy and Politics 101 – Pinoy Peryodiko
  • Palakasin ang kampanya at programang nagsusulong ng preventive at primary healthcare bilang unang saray ng proteksyon (first layer of protection) mula sa pagkakasakit.
  • Unawain na maraming sakit at pagkakasakit ang maaaring maiwasan (preventable) sa pamamagitan ng likas-kayang patubig, malinis na kapaligiran, maayos na palikuran, kumpletong bakuna, wastong nutrisyon at ligtas na komunidad.
  • Paigtingin din ang kampanya laban sa counterfeit vaccines at fake medicines. Ang paglaganap ng mga ito ay nakakapagpababa ng tiwala ng publiko sa sistemang pangkalusugan sa pangkalahatan.
  • Suportahan at pondohan ang demokratikong akses sa abot-kaya/libreng bakuna at gamot.
  • Mamuhunan sa kalusugan dahil mahalagang salik ito sa maunlad na ekonomiya (healthy population = healthy economy, ‘ika nga). Bilang panimula, basahin ang artikulong ito: Political Economy of Health – Pinoy Peryodiko
  • Pag-ibayuhin ang pagpapabakuna sa mga sanggol at bata at labanan ang mga mito at misimpormasyon ukol sa pagbabakuna sa pamamagitan ng epektibong health information and communication. Basahin din ang dalawang artikulong ito ukol sa public health communication:
    Public Health Communication 101 – Pinoy Peryodiko
    Public Health Communication Praxis 101 – Pinoy Peryodiko
  • Tugunan ang malalang kaso ng maternal mortality lalo na sa Global South. Malaki ang pinsalang hatid ng mataas na maternal mortality rate (MMR) sa ina, anak, buong pamilya at komunidad.
  • Palakasin ang maternal healthcare upang tiyaking ligtas ang pagbubuntis at panganganak.
  • Pondohan ang reproductive health, sexual health, gynecological care, preconception care at postpartum care ng mga kababaihan. Dapat itong unawain at ituring bilang continuum of care.
  • Pangalagaan ang mga sanggol at bata upang matugunan at mapababa ang under five mortality (U5M).
  • Tugunan ang HIV-AIDS nang may pagsasang-alang sa panlipunan, pang-ekonomiya at pangkultural na salik ng paglaganap, pagtugon at pagkontrol dito.
  • Isapraktika ang regular na check-up, testing at pagpapabakuna kasabay ng pagpapalakas sa resistensiya sa pamamagitan ng wastong nutrisyon, regular na ehersisyo at sapat na tulog at pahinga.
  • Isama ang mga neglected tropical diseases (NTD) sa pagbuo ng patakaran at planong pangkalusugan. Kabilang sa mga NTD ang filariasis, schistosomiasis, drachunculiasis, soil-transmitted helminthiases at iba pa. Nababalewala ang mga sakit na ito dahil kadalasang mga mahihirap na komunidad lamang ang tinatamaan ng karamdaman at hindi sila ang nabibigyang prayoridad sa alokasyon ng pondo at pabuo ng mga programang pangkalusugan.
  • Unawain ang pinsalang hatid ng tambalan ng communicable at non-communicable diseases na pinalalala pa ng bulagsak at hindi planadong urbanisasyon. Humahantong ang salimbayan ng pinsalang ito sa tinatawag na triple burden of disease.
  • Paghalawan ng aral ang karanasan natin nang saklutin ang mundo ng pandemya (COVID-19). Sa kontekstong ito ay unawain ang malaking ambag ng One Health approach upang mabigyang-pansin ang human health, animal health at environmental health bilang holistikong tugon sa mga problemang pangkalusugan.
  • Tutukan ang polusyon upang maiwasan ang lumalalang kaso ng premature death. Kabilang sa environmental pollution ang mga sumusunod: land pollution, soil pollution, plastic/microplastic pollution, e-waste pollution, air pollution, thermal pollution, antibiotic pollution, light pollution, noise pollution at iba pa.
  • Isulong ang universal healthcare (UHC) upang tiyaking magkakaroon ng demokratikong akses ang sinuman anuman ang kanyang pang-ekonomikong estado sa buhay. Sinasaklaw ng UHC ang continuum of care kabilang ang preventive, curative, rehabilitative at palliative care.
  • Pakatandaan din ang panawagang “No health without mental health.” Napakahalaga ng mental health dahil dito nakasalalay ang kalidad ng ating pag-iisip, pakiramdam, pagdedesisyon, pakikitungo at pagganap ng ating mga tungkulin sa sarili, pamilya, kaibigan, empleyo, samahan at lipunan.
  • Bumuo ng mga programa upang makaiwas sa pagkalulong sa bisyo at maagapayan ang mga nasadlak dito. Kasama sa mga bisyong ito ang sigarilyo, alak at mga ipinagbabawal na gamot.
  • Palakasin ang kampanya laban sa paninigarilyo sa pamamagitan ng marketing ban at packaging warning (halimbawa: picture-based health warnings) at tambalan dapat ito ng epektibong health education at health communication programs.
  • Ipatupad nang buong ganap ang universal healthcare upang maiwasan ang malalang medical indebtedness na sumasaklot sa maraming hikahos na pamilya.
  • Unawain ang mahalagang papel ng malinis at ligtas na kapaligiran sa pagsusulong ng kalusugan para sa lahat. Mahalagang salik ang environmental health sa pampublikong kalusugan.
  • Bigyan ng kaukulang pansin ang social determinants of health (SDH) upang higit na maunawaan ang sanhi ng at solusyon sa mga lumalalang kaso ng pagkakasakit. Ang SDH ay tumutukoy sa umiiral na panlipunan at pangkapaligirang konteksto at kondisyon kung saan tayo isinilang, nabubuhay, nagtatrabaho, nakikisalamuha at tumatanda na salimbayang nakaaapekto sa ating kalusugan.
  • Unawain ang sitwasyon ng tumataas na kaso ng malaria na maaaring mai-ugat sa mga sumusunod na magkakaugnay na dahilan: (1) parasite resistance sa antimalarial drugs, (2) mosquito resistance sa mga insecticide, (3) habitat fragmentation bunga ng deforestation at pagpapalit-gamit ng lupa, (4) climate change na nakakapagparami at nakakapagpakalat sa mga vector, (5) dislokasyon ng mga bulnerableng populasyon at (6) kawalan ng sapat ng serbisyong pangkalusugan at programang pangkaligtasan.
  • Siyasatin ang ugnayan ng tao, patakaran, imprastraktura, teknolohiya at kapaligiran at ang epekto ng mga salik na ito sa transportation at road safety.
  • Tugunan ang mga problemang pangkalusugan gamit ang socio-ecological model (SEM) na sumasaklaw sa dugtungan ng personal, pampamilya, pangkomunidad, pampatakaran at mas malawak na pangkaunlarang dimensyon ng lipunan.
  • Tugunan ang umiiral na malaking agwat sa usapin ng akses at kalidad ng serbisyong pangkalusugan sa pagitan ng mayayaman at mahihirap at yaong mga taga-lungsod at taga-nayon.
  • Pagtibayin ang integrasyon ng kalusugan sa ibang larangan kagaya ng empleyo (occupational health), pandarayuhan (migrant health), kalikasan (environmental health), komunidad (community health) at piitan (prison health) upang mabigyang-diin ang saklaw at halaga nito.
  • Paunlarin ang lakas-paggawa sa sektor pangkalusugan sa pamamagitan ng etikal na pagrerekruta, tuloy-tuloy na pagsasanay, makatarungang pasahod, ligtas na pinagtatrabahuhan at karapatang mag-organisa ng hanay. Kaugnay nito, isulong ang panawagang “care for the care workers.”
  • Suportahan ang makatarungang pananaliksik pangkalusugan na tutugon sa mga pangangailangan ng mga mahihirap na mamamayan sa mga papaunlad na bansa. Sikapin ding idekolonisa ang pananaliksik pangkalusugan.

Bilang pagbubuo(d), mahalagang bigyang-diin na ang adyendang pangkalusugan ay hindi hiwalay sa adyendang pangkaunlaran. Sa katotohanan ay mahigpit ang ugnayan ng dalawa dahil ang malusog na mga mamamayan ay sentral na elemento sa maunlad na ekonomiya at lipunan. Masasabing may malaking ambag din ang isang malusog na populasyon sa ikatatagumpay ng sustainable development goals sa partikular at sa pangkalahatan.

Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa pamamagitan ng [email protected].

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -