26.2 C
Manila
Linggo, Hunyo 14, 2026

Advocacy Video 101

PAGBUBUO(D)

- Advertisement -
- Advertisement -

MAHALAGA ang papel ng komunikasyon, midya at sining sa pasusulong ng panlipunang hustisya at kilusang pagbabago. Nakapaglalantad ang mga ito ng mga problemang panlipunan, humahamon sa mga istruktural na pwersang sanhi ng mga sanga-sangang suliranin at nagpapanawagan ng mga alternatibong landas at balangkas. Ang mga sumusunod na tala ay paalala at tagubilin ukol sa pagbuo ng advocacy video na may layuning pumukaw at magmulat ukol sa panlipunang realidad at ang mga kaakibat nitong isyung pangkaunlaran.

  • Linawin simula’t sapul ang layunin ng proyekto. Tukuyin kung anu-anong mga kongkretong bagay ang nais makamit mula sa isasagawang awdyo-biswal na presentasyon.
  • Alamin kung sinu-sino ang magiging tagapanood ng dokumentaryo. I-angkop ang mensahe para sa kanilang hanay.
  • Gawing inspirasyon ang mga kuwentong-buhay (life stories) at pakikibaka (life struggles) ng mga mamamayan sa komunidad.
  • Tandaan na ang pundasyon ng mahusay na dokumentaryo ay ang mga nakalap na mayamang datos mula sa iba’t ibang batis (o source).
  • Magbasa ng mga batayang-aklat at iba pang sanggunian ukol sa pagbuo ng advocacy video at development-oriented media. Maaari ring basasin ang dalawang naunang artikulo ukol sa public health communication at public health communication praxis:
    Public Health Communication 101 – Pinoy Peryodiko
    Public Health Communication Praxis 101 – Pinoy Peryodiko
  • Manood ng iba pang dokumentaryo para magkaroon ng ideya at inspirasyon, at magsilbing batayan ng pagkukumpara.
  • Tiyaking malinaw ang pokus at diin ng binubuong dokumentaryo.
  • Tandaan na hindi kailangang saklawin ang lahat ng paksa at usapin dahil limitado lamang ang oras at rekurso.
  • Alamin ang limitasyon ng rekursong taglay para maging makatotohanan ang paglalatag ng layunin at saklaw ng proyekto.
  • Linawin bilang grupo ang nais na maging sentral na tema ng dokumentaryo.
  • Bumuo ng script alinsunod sa layunin ng proyekto. Ayon kay Dr. Rolando Tolentino sa kanyang lektura na ‘Film Literacy and Criticism,’ ang script ang tumatayong gulugod ng pelikula.
  • Tiyaking makailang-ulit na ma-edit ang script para maging pulido sa parehong usapin ng nilalaman at istruktura.
  • Sinupin ang balarila (grammar), pagbaybay (spelling) at paggamit ng bantas (punctuation) sa binubuong script.
  • Itambol ang boses at naratibo mula sa ibaba sa pamamagitan ng pagtatampok sa kanilang pagpapatotoo (testimonies).
  • Ilatag nang mahusay, malikhain at matalas ang naratibo ng batayang sektor mula sa kanilang posisyonalidad at punto-de-vista.
  • Lagyan ng unique value proposition ang advocacy video upang maging pukaw-atensyon at natatangi ito.
  • Mag-isip ng angkop na titulo na sasalamin sa kabuoang naratibo.
  • Hatiin sa iba’t ibang seksyon ang dokumentaryo para maging malinaw at lohikal ang daloy at paglalahad.
  • Mag-isip din ng mga titulo sa bawat seksyon na tatambal sa main title ng advocacy video.
  • Tiyaking sapat ang natipong datos upang makabuo ng mahusay na dokyumentaryo.
  • Tambalan ng tamang larawan at/o video clip ang narration o voice-over.
  • Ikonsidera ang itinakdang haba sa pagbuo ng dokumentaryo.
  • Maglagay ng angkop na introduksyon na magsasakonteksto (o magsasapook) ng istorya.
  • Ipook ang naratibo sa pamamagitan ng pagsasakasaysayan ng buhay, kabuhayan at pakikibaka ng tampok na sektor.
  • Ilatag nang malinaw ang mga suliranin at ugnayan ng mga ito.
  • Itampok ang mga argumento at kontra-argumento para maipakita ang kontradiksyon (o dialektika) sa lipunan bilang estratehiya ng paglalahad.
  • Isentro ang naratibo sa kwentong-buhay ng isa (o ilang) karakter bilang isa pang posibleng estratehiya ng presentasyon.
  • Pumili ng magbabasa ng narration o voice over.
  • Tiyaking matatas at malinaw bumigkas ang mapipiling tagabasa. Ensayuhin ito mabuti.
  • Tiyaking may pahintulot na gamitin ang larawan, bidyo at panayam mula sa mga kalahok sa pananaliksik (interlocutor).
  • Ipaliwanag ang mga hindi pamilyar na termino sa presentasyon para sa kapakanan ng lahat ng manonood o tagasubaybay.
  • Umiwas gamitin ang larawan o video clip nang paulit-ulit.
  • I-blur ang mukha at baguhin ang boses ng kinapanayam kung sensitibo ang paksa.
  • Langkapan ng angkop na background music ang mga piling bahagi. Maaari ring gumamit ng instrumental music.
  • Pagtambalin ang ‘stats’ at ‘stories’ upang mas maging makatuturan ang mensahe.
  • Pagtambalin rin ang ‘rapport’ at ‘report’ upang makabuo ng ugnayan sa mga manonood at maging makahulugan ang mensahe.
  • Gawing mapanuri at masining ang pagsasalarawan upang makapukaw ng kamalayan ng mga manonood.
  • Gumamit ng angkop na discursive strategies, rhetorical devices at semiotic resources upang mas maging epektibo ang paglalahad ng kalagayan at pagpapatampok ng mga usapin.
  • Iwasang magsapawan ang voice-over at lyrics ng background music.
  • Tiyaking gumamit ng angkop na pacing sa bawat bahagi ng dokumentaryo. May binabagayan ang mabilis at mabagal na pacing.
  • Gumamit ng mga angkop na visual at textual metaphors upang isalarawan ang mga kuwento ng pag-asa, pakikihamok at pakikipagtalaban.
  • Tiyaking nagtatambal ang mga elemento ng dokumentaryo upang maging buo at ganap ang integrasyon nito. Kabilang sa mga elementong ito ang mensahe, imahe, teksto, kulay, tunog, bigkas, bilis, foreground, background at iba pa.
  • Lagyan ng subtitle ang audio-visual production para mas madaling maunawaan at masundan. Pag-ingatan ang pagbabaybay.
  • Gamitin mabuti ang visual storytelling sa paglalahad ng buhay, kabuhayan at pagpupunyagi ng batayang sektor. Magbasa rin at aralin ang visual ethnography, visual communication, visual social science, visual anthropology at visual sociology.
  • Gumamit ng diagram, visual map, pictograph at iba pang visual illustration sa presentasyon.
  • Ilatag nang lohikal ang rekomendasyon at langkapan ito ng detalye para maiwasan ang sloganeering at empty generalities.
  • Suriin ang aplikasyon ng intersectionality of social exclusion at wheel of power sa naratibo.
  • Tandaan na bagaman ukol ang dokumentaryo sa kalunos-lunos na problemang panlipunan ay hindi dapat kalimutan na makapagbigay rin ito ng pag-asa sa batayang sektor at mga manonood.
  • Itampok ang batayang sektor at manonood bilang ahente ng pagbabago. Bigyang diin ang kanilang political efficacy.
  • Magbigay ng tamang atribusyon sa mga larawan, bidyo at musika na hindi pagmamay-ari ng grupo.
  • Magsagawa ng masinsinang fact-checking para mapagtibay ang kredibilidad ng dokumentaryo at ng mga bumuo nito. Maaari ring kumapanayam ng mga dalubhasa sa larangan (explicit knowledge) para tambalan ang lokal at katutubong kaalaman (tacit knowledge).
  • Humingi ng feedback upang higit na mapahusay ang pinal na bersyon ng produksyon.
  • Gumawa ng katambal na poster para sa audio-visual production.
  • Ipatupad ang etika ng media production sa pinakamataas na antas.

Bilang pagbubuo(d), tandaan na ang advocacy video ay isang halimbawa ng communication for development (o C4D) na ang pangunahing layunin ay makapagsakapangyarihan ng mga komunidad, makapagmulat at makapagpakilos ng mga mamamayan, at makapagsulong ng kaunlaran para sa lahat sa pamamagitan ng tama at nagtatambalang misyon, motibasyon, modelo, mensahe at metodo.

Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa pamamagitan ng [email protected]

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -